MABIBILANG sa daliri ang mga alkalde na aking hinahangaan dahil sa pagpapakita ng tunay na pagmamalasakit sa ating mga kabayaning OFW. Una sa listahan ng aking hinahangaan na alkalde ay si Mayor Cristy Angeles ng Tarlac City.
Ginagampanan ni Mayor Cristy ang role ng pagiging ”guardian” o Nanay ng mga pamilya ng mga OFW. Kamakailan nga ay may lumapit na pamilya ng OFW na humihingi sa kanya ng tulong. Hindi na nagdalawang salita ang pamilya nito at agad ay ipinarating sa akin ang kanilang suliranin. Ngunit bago pa man niya ipinarating sa akin ang problema ng OFW na taga-Tarlac City ay binigyan na nito ng malaking halaga ang pamilya upang idagdag para mabayaran ang mahigit sa 500,000 piso pagkakautang nito sa Al Khobar, Saudi Arabia kaya siya ay nagkaroon ng travel ban at hindi makauwi sa Pilipinas.
Isa pa sa inilapit sa akin ng alkalde ay ang problema ng isang kababayan sa Tarlac City na nag-turista sa bansang Bahrain para maghanap ng trabaho na di kalaunan ay hindi na makalabas ng Bahrain dahil sa napakalaking penalty dahil sa kanyang ilegal na pamamalagi sa nasabing bansa. Napakababa ng kalooban ni Mayor Cristy sa mga ganitong problema ng kanyang kababayan kung kaya noong kami ay personal na nagkita ay agad kong tinawagan si OWWA Welfare Officer Redina Manlapaz upang alamin ang tunay na kalagayan ni OFW Gonzalez na taga-Tarlac City at aking pinabigyan ito ng
paunang tulong katulad ng pagkain para sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ngunit ang higit sa lahat na aking hinahangaan ay ang pangarap ni Mayor Cristy na makapagpatayo ng OFW Hospital sa siyudad ng Tarlac. Ang kanyang pangarap ay katugma ng matagal ng adbokasiya ng AKOOFW sa pagkakaroon ng OFW
Hospital sa bawat lungsod at probinsiya. Ipinangako ni Mayor Cristy na ang pamahalaang lungsod ay magkakaloob ng malaking lote na maaaring pagtayuan ng OFW Hospital. Sa hanay naman ng AKOOFW ay aming gagawin ang abot ng aming makakaya na makahanap ng mga taong makakatulong sa pagpapatayo ng gusali ng OFW Hospital sa Tarlac na katulad ni Ginoong Ramon S. Ang.
Samantala, ang AKOOFW ay labis-labis na nagpapasalamat kay Mayor Cristy Angeles sa kanyang pag-iimbita at mainit na pagtanggap sa AKOOFW upang magsagawa ng AKOOFW Info Caravan katuwang ang Philippine Administrators in Local Government Units (APALGU) para ipalaganap ang mga impormasyon na makakatulong para sa kapakanan ng mga OFW, retiradong OFW at maging ang pamilya ng OFW.
Sa pamamagitan ng programang ito na inihandog ni Mayor Cristy Angeles ay ating naipaliwanag sa bawat OFW at pamilya ng OFW sa Tarlac City at maging sa mga Punong Barangay ang mga programa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) lalong-lalo na ang Tulong Puso grant. Hinikayat ng AKOOFW ang bawat barangay sa Tarlac City na pagsama-samahin ang lahat ng mga OFW o pamilyang OFW upang mabigyan sila ng pagkakataon na makakuha ng Tulong Puso grant para sa kapakinabangan ng mga OFW.
Nagbigay naman ng kanyang taos pusong pagsuporta si Mayor Cristy sa bawat pamilyang OFW para masiguro na ang mga negosyo na itatayo ng mga OFW group sa Tarlac City ay magiging matagumpay.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
526
