(NELSON S. BADILLA)
NAPATUNAYAN ng Philippine National Police (PNP) na lantaran ang pagsasagawa ng e-sabong sa Indang, Cavite.
Ito’y makaraang mahuli ng mga operatiba ng PNP ang siyam na residente ng Indang na tumataya sa nasabing online na sugal na nagaganap sa terminal ng pampublikong transportasyon sa Poblacion 1 kamakailan.
Pampublikong lugar ang terminal dahil nagpupuntahan dito ang mga mananakay.
Sa aksyon ng PNP, malinaw na ilegal ang e-sabong sa Indang.
Dahil dito, pinaniniwalang posibleng nagpabaya ang tanggapan ni Mayor Perfecto Fidel.
Kaalyado ni Gobernador Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. si Fidel.
Batay sa impormasyong nakarating sa SAKSI Ngayon, ang isang matagal nang talamak na sugal sa Indang ay jueteng bukod sa e-sabong.
Napakatalamak ng jueteng sa Indang na pinatatakbo ng isang “John Yap”.
Tinukoy ni P/SMSgt. Marvin Camerino ang pangunahing nahuli na si Jerrylan Basas.
Ang 36-anyos na si Basas ang siyang operator ng e-sabong, ayon sa ulat ni Camerino.
Ang walong ibang nadakip ay sina Bayani Bago, David Jimenez, Romeo Rodriguez, Andy Estores, Leopoldo Masaga, Michael Hermoso, Joel Pelle, at Rey Binondo.
Nahuli ang siyam noong Huwebes eksaktong 2:52 ng hapon, batay sa ulat ng PNP.
Sila ay naaktuhan umanong nagpupustahan habang nanonood ng e-sabong.
Nagkasa ng operasyon ang pulisya makaraang makarating sa kanila ang imporasyon hinggil sa nagaganap na ilegal na sugal.
Ikinulong ang siyam sa selda ng Indang PNP kasabay ng paghahain ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (PD 1602).
Ang mga ebidensiya laban sa mga suspek ay ang nakumpiska ng mga pulis na cellular phone, isang TV at P1,050 pera na pinaniniwalaang kabuuang halaga ng pustahan ng siyam.
Hindi tinukoy ni Camerino kung anong gambling firm konektado ang e-sabong ni Basas.
Sa kasalukuyan, tatlong kumpanya pa lamang ang binigyan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng lisensya upang magkapag-operate ng e-sabong.
Dalawa pang gambling companies ang nag-aantay ng approval ng PAGCOR.
Ang layunin ng pagbibigay ng lisensya sa e-sabong ay madagdagan ang kita ng PAGCOR.
Ibinalita ng SAKSI Ngayon nitong nakalipas na linggo na nakatakdang imbestigahan ng Kamara de Representantes ang pagbibigay ng PAGCOR ng lisensya sa e-sabong firms.
