THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
SOBRANG daming impormasyon na ang available para sa atin. Dahil sa Internet, isang pindot lang, mayroon na tayong access sa balita, opinyon, o entertainment.
Dahil dito, nagiging pagsubok na minsan ang pagkakaroon ng sapat na kasanayan para magsuri at umunawa sa mga impormasyong nakakalap.
Napakahalaga ng tinatawag na media at information literacy na isang disiplina at kakayahang hindi lang magbasa at makinig, kundi magsala, magpaliwanag, at maging responsable sa paggamit ng nakukuhang mga impormasyon. Hindi ito limitado sa teknikal na kakayahan sa pagbasa o paggamit ng Internet.
Kasama rito ang pagkakaroon ng kaalaman sa pinagmulan ng impormasyon at kung tama at mapagkakatiwalaan ba ito, at ang pagsusuri kung may sapat na ebidensiya ba o haka-haka lamang ang mga detalyeng nakukuha natin.
Kasama rin ang pag-unawa sa konteksto at interes na nakapaloob sa bawat impormasyon at paggamit nito sa paggawa ng desisyon.
Maituturing na first line of defense ang media at information literacy laban sa disimpormasyon at manipulasyon.
Ayon sa 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) ng Philippine Statistics Authority, nasa 93.1% ang basic literacy rate o ang kakayahang bumasa, magsulat, at mag-compute ng mga Pilipinong nasa edad 10-64. Pero nakababahala ang functional literacy o ang mataas na antas ng literacy na tumutukoy sa kakayahang magkaroon ng maayos na pag-unawa at paggamit ng impormasyon dahil nasa 70.8 % lang ito.
Mayroon ding datos mula sa Programme for International Student Assessment (PISA) para sa taong 2022 na naglalahad na nasa 90% ng mga bata sa primarya ang hindi pa nakauunawa ng tekstong angkop sa kanilang edad.
Kung titingnan ito kasama ng functional literacy, hindi na nakagugulat na maraming Pilipino ang nabibiktima o naniniwala sa fake news.
Nakababahala ito lalo na’t higit 97 milyong Pilipino ang gumagamit ng Internet at social media, at kung walang kasanayan sa pagsusuri, malaki ang risk ng disinformation at misinformation.
Madali namang sabihing maging mapanuri — pero ang reyalidad ay mayroon ding mga grupo na layunin mismong magpakalat ng maling impormasyon para sa kani-kanilang interes. Kaya nga hanggang ngayon, napakarami pang mga pekeng account sa social media at pages na nakatuon ang narrative sa kung anong gusto nilang ipalaganap na impormasyon — totoo man ang mga ito o hindi.
Bukod pa riyan, dumarami na ang mga Pilipinong umiiwas sa balita ayon sa Reuters Institute for the Study of Journalism. Tumataas ang risk of exposure sa maling impormasyon kung hindi tayo kumukuha nito sa mga source na credible at may accountability.
Hindi kayang solusyunan ng iisang institusyon lamang ang hamon na ito. Kung edukasyon lang ang aasahan natin, maaaring tumagal ng dekada bago makita ang resulta. Kung gobyerno naman, maaaring maipit sa limitasyon ng resources at mapolitika. Kaya importanteng tugunan ang problemang ito sa pamamagitan ng multi-sectoral partnerships.
Kaya nga maganda ang inisyatibang THINKaMuna Pilipinas ng MediaQuest. Layunin ng adbokasiyang ito na isulong ang pagkakaroon ng mapanuri at nag-iisip na lipunan lalo na sa digital space.
Kamakailan lang, sumali na rin sa adbokasiyang ito ang Public Relations Society of the Philippines (PRSP) at ang International Association of Business Communicators (IABC) Philippines — mga organisasyong binubuo ng communications professionals na maaaring makatulong sa pamamagitan ng kanilang network at resources para paigtingin at palaganapin pa ang naturang adbokasiya.
Makatutulong ang kolaborasyong ganito ng mga grupong may accountability para talagang magkaroon ng mga konkretong inisyatiba at programa para labanan ang disimpormasyon.
Pero para maging mas sistematiko at pangmatagalan ang pagsasanay, marami pa talagang dapat gawin. Halimbawa, pwedeng i-integrate ang media at information literacy sa lahat ng antas ng edukasyon. Pwede ring magkaroon ng online modules na maaaring magamit sa iba’t ibang information education campaigns.
Hindi natin dapat pabayaan ang mga komunidad na walang access sa internet. Pwede ring magkaroon ng workshops sa mga barangay at local government units para mas marami pang Pilipino ang magka-access dito. At dahil nasa digital space ang karamihan ng maling impormasyon, siguro makatutulong din kung magkakaroon ang mga social media at online platforms ng prompts at context labels sa trending content, hindi lang tuwing eleksiyon kung kailan matindi talaga ang paglaganap ng maling impormasyon.
Sa sobrang dami ng influencers ngayon na sinusubaybayan ng napakaraming tao, makabubuti rin kung sila mismo ang gagamitin nating champions ng media at information literacy. May sense na content habang nakae-entertain ang dapat mas palaganapin, at para siyempre magamit ang impluwensya nila sa magandang layunin.
Hindi dapat ituring na parang karagdagang academic discipline ang media at information literacy dahil sa panahon ngayon, matindi talaga ang pangangailangan dito. Napakaimportate ng pagkakaroon ng kasanayan na magsuri para sa paggawa ng desisyon at pagkakarooon mg mas kapaki-pakinabang na diskurso sa personal man o online. Kailangan natin itong seryosohin at sama-samang harapin ang laban sa disinformation at misinformation.
