MEDICAL EXPERTS ITINULAK HARM REDUCTION SA NICOTINE PRODUCTS

ITINULAK ng mga medical expert ang prinsipyo ng harm reduction bilang paraan upang mabawasan ang panganib sa kalusugan dulot ng nicotine, partikular para sa mga smoker na hindi kayang tuluyang tumigil sa paninigarilyo.

Pinangunahan ng Philippine Tobacco Harm Reduction Advocates (PHILTRA) coalition ang 2nd National Summit on Nicotine and Harm Reduction, na dinaluhan ng mga medical expert, consumer groups at kinatawan ng industriya upang talakayin ang mga polisiya hinggil sa sigarilyo, vape at iba pang produktong may nicotine.

Isinagawa ang summit sa gitna ng mga panukalang pinag-aaralan ng gobyerno na ipagbawal ang vaping at heated tobacco products, gayundin ang pagpapataw ng kaparehong buwis sa vape products at combustible cigarettes.

Iginiit ng mga dumalo na hindi dapat awtomatikong ipantay ang buwis sa smoke-free alternatives sa combustible cigarettes, lalo na kung layunin ng mga mambabatas na mahikayat ang mga adult smoker na lumipat sa alternatibong sinasabing mas mababa ang panganib kumpara sa tradisyonal na sigarilyo.

Ayon kay Dr. Lorenzo Mata, presidente ng PHILTRA co-convenor na Quit For Good, maaaring makatulong ang harm reduction policies sa pagbawas ng panganib sa kalusugan, habang maaari namang magdulot ng paglawak ng illicit market ang total ban.

Tinalakay rin sa summit ang karanasan ng Sweden, United Kingdom, New Zealand at Japan, kung saan iniugnay ng mga dumalo ang pagbaba ng smoking rates sa pagkakaroon ng mga alternatibo sa combustible cigarettes.

Sa Sweden, partikular, iniulat ang 3.7% daily smoking rate, na kabilang sa pinakamababa sa Europe.

Kinilala rin ng summit ang pangangailangan ng gobyerno na makalikom ng kita, ngunit nagbabala ang mga dumalo na kung ituturing lamang na karagdagang source ng tax revenue ang smoke-free alternatives, maaaring mabawasan ang mga opsyon ng mga smoker na nais lumayo sa tradisyonal na sigarilyo.

Binigyang-diin din ang ugnayan ng taxation, affordability at illicit trade, batay umano sa pinakahuling pag-aaral ng European Union-Association of Southeast Asian Nations (EU-ABC) at Euromonitor International.

Ayon sa datos na inilahad sa summit, apat sa bawat limang e-vape products sa merkado ay hindi nabubuwisan, habang tinatayang umabot sa P141 bilyon ang excise tax revenue na hindi nakolekta ng gobyerno noong 2024 at 2025 dahil sa illicit tobacco at vapor trade.

(JULIET PACOT)

77

Related posts

Leave a Comment