HINIKAYAT ng gobyerno ang mga Pilipino na mamuhunan sa Retail Treasury Bonds (RTBs) na maaaring bilhin sa halagang hindi bababa sa P5,000, upang kumita ng fixed interest habang nakatutulong sa pagpopondo ng mga programa at proyekto ng pamahalaan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na maaaring mamuhunan ang mga Pilipino sa RTBs, habang ang malilikom na pondo ay gagamitin sa mga proyekto para sa edukasyon, healthcare, business support, job generation at iba pang inisyatibang naglalayong palaguin ang ekonomiya.
“Ginawa po ito ng gobyerno para sa ordinaryong Pilipino, sa empleyado, sa maliliit na negosyante at sa pamilyang gustong palaguin ang kanilang pinaghirapang ipon,” ayon kay Castro.
Binigyang-diin din ni Castro ang potensiyal na kita mula sa RTBs, na nag-aalok ng fixed interest rate na 6.875% kada taon para sa 2.5-year term.
Ayon kay Castro, maaari ring maging mas maginhawa ang pamumuhunan dahil maaaring bumili ng RTBs sa pamamagitan ng mga kalahok na selling agents sa buong bansa.
“Madali lang po ang pag-enroll dito, pwede na po itong gawin sa ating mga mobile banking apps at e-wallets,” pahayag ni Castro.
Ang subscription period para sa RTB 32 ay mula September 29 hanggang October 7, 2026, habang itinakda naman ang settlement date sa October 12, 2026.
Maaaring bisitahin ng publiko ang website ng Bureau of the Treasury (BTr) para sa karagdagang impormasyon, kabilang ang kumpletong listahan ng mga kalahok na selling agents.
(CHRISTIAN DALE)
67 