(NI BERNARD TAGUINOD)
MALABO nang maging batas na gamiting medisina ang marijuana sa bansa dahil bukod sa hindi na congressman ang may-akda nito na si out-going Isabela Rep. Rodito Albano ay hindi umano ito papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang kumpiyansang pahayag ng pangunahing kumokontra sa Medical Marijuana Bill na si Buhay party-list Rep. Lito Atienza.
Nakalusot ang nasabing panukala sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ngayong 17th Congress subalit hindi ito inaksiyunan ng mga senador kaya kailangang maihain muli sa 18th Congress ng mga pro-medical marijuana congressman.
Gayunpaman, hindi na babalik si Albano sa 18th Congress matapos maihalal ito bilang governor ng Isabela noong nakaraang eleksyon kaya kumpiyansa si Atienza na walang maghahain ng nasabing panukala.
“Hopefully, the bill will not be renewed because everybody knows it is bound to be vetoed by Malacañang, and with good reason,” ani Atienza dahil kontra umano si Duterte sa nasabing panukala sa takot na maabuso ito at pagkakakitaan lang ng mga drug lord.
Layon ng nasabing batas na magamit ng mga pasyenteng tulad ng epilepsy ang medical marijuana para sa kanilang pangangailangan sa pain reliever subalit lubhang delikado umano ito sa mga gagamit kung sakali.
