NAOBLIGA nang maglabas ng memorandum si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa paggamit ng face shield upang matuldukan ang kalituhan dito.
Ang nasabing memorandum mula sa tanggapan ni Pangulong Duterte ay naglalayong linawin ang pagkalito ng mamamayan sa paggamit ng face shield lalo pa’t may ilang opisyal ng pamahalaan ang nagpahayag ng magkakasalungat na posisyon sa usaping ito.
“The President is supposed to issue a memorandum. Maybe perhaps this week baka lumabas na ‘yan (memorandum). When that memo comes out then we can’t really say anything pero just to say that a memo is forthcoming para maliwanag,” ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Ang pagkalito sa paggamit ng face shield ay nagsimula nang sabihin ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na hindi na required sa outdoors o sa labas ang paggamit ng face shield dahil na rin ang risk o panganib ng COVID-19 transmission ay “very low in open air.”
Inanunsyo naman ni Senate President Vicente Sotto III na pumayag si Pangulong Duterte na gawing mandatory ang paggamit ng face shield sa mga ospital lamang.
Samantala, inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) kay Pangulong Duterte ang listahan ng enclosed spaces kung saan ang face shield ay kinakailangan isuot lalo pa’t may ilang health experts ang nagsabi na maaari na itong alisin sa labas.
Kahapon sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hindi na kinakailangan magsuot ng face shield sa labas ng bahay.
Hindi naman aniya kasi kasama sa apela ng IATF ang pagsusuot ng face shield sa labas. ( CHRISTIAN DALE)
168 