MEMORIAL SERVICE PARA KAY JDV ISASAGAWA SA KAMARA

MAGDARAOS ng memorial at necrological service ang House of Representatives sa Pebrero 16 bilang pagkilala sa yumaong dating House Speaker Jose de Venecia Jr.

Inaprubahan sa plenaryo ang House Resolution 758 na kumikilala sa malaking ambag ni De Venecia sa bansa, kabilang ang papel niya bilang “architect of political unity” matapos mapag-isa ang pitong political parties sa tinaguriang “Rainbow Coalition.”

Kabilang sa mga batas na inakda niya ang Build-Operate-Transfer Law, Bases Conversion and Development Act, New Central Bank Act at Philippine Economic Zone Act.

Bukod sa pulitika, kinilala rin ang malawak niyang karera bilang economist, journalist, diplomat at negosyante na nakapagbukas ng libu-libong trabaho para sa mga OFW.

Bilang pagkilala sa kanyang legacy, nagtayo ng museum sa People’s Center sa House of Representatives.

Ang labi ni De Venecia ay nasa Heritage Memorial Park sa Taguig mula Pebrero 11 hanggang 13. Dadalhin ito sa Annunciation of the Lord Parish sa Dagupan City sa Pebrero 14 hanggang 15 bago ang necrological service sa Kamara sa Pebrero 16 na pangungunahan ni House Speaker Faustino Dy.

Ibabalik sa Heritage Memorial Park ang labi sa Pebrero 17 at nakatakdang ilibing sa Pebrero 18.

Si De Venecia ang nag-iisang miyembro ng Kamara na limang beses naging House Speaker noong 9th, 10th, 12th, 13th at 14th Congress. Pumanaw siya noong Pebrero 10 sa edad na 89.

(TINA MENDOZA)

2

Related posts

Leave a Comment