Meralco executive, kinundena ang insidente ng pananakit sa isang service dog; service personnel agad na sinuspinde

Mariing kinundena ng Meralco kumakalat na video sa social media kung saan makikita na sinasaktan ng isang security personnel ang isang service dog sa loob ng compound ng kumpanya sa pasig.

Mabilis na naglabas ng pahayag si Meralco Senior Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga sa ginawang aksyon ng kumpanya.

Aniya, isang K9 handler mula sa Search and Secure Canine Training and Services International (SAS K9), ang security agency na naka-assign sa pasilidad ng Meralco, ang nakunang nang-aabuso ng isang service dog na kinilalang si Bingo.

Ligtas na ngayon at tumatanggap ng wastong pag-aalaga.

“Bilang kumpanyang pinahahalagahan ang integridad at malasakit, hindi lamang sa kapwa tao kundi pati sa lahat ng nilalang na nasa aming pangangalaga, mariin naming kinokondena ang insidenteng ito,” ayon kay Zaldarriaga.

“Kasalukuyan kaming nakikipag-ugnayan sa SAS K9 at sa mga awtoridad upang matiyak ang isang agarang at masusing imbestigasyon. Ang handler na sangkot ay pansamantalang sinuspinde habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa kumpanya, nananatiling pangunahing alalahanin ng kumpanya ang kapakanan ng sinaktang aso.

“Tinitiyak naming siya ay nasa ligtas at maayos na kapaligiran at patuloy naming susubaybayan ang kanyang kalagayan. Kasabay nito, isinasailalim din namin sa pagsusuri ang lahat ng kaukulang proseso at patakaran upang matiyak na ang lahat ng hayop na bahagi ng aming operasyon ay tinatrato nang may respeto, dignidad, at malasakit,” sabi ni Zaldarriaga.

Para sa Meralco, walang puwang ang anumang anyo ng pagmamalupit sa hayop kanilang organisasyon.

Nakatuon kami hindi lamang sa agarang pagtugon sa insidenteng ito, kundi pati sa mas maigting na pagpapatibay ng aming mga pamantayan upang matiyak na hindi na mauulit ang ganitong pangyayari,” pagtatapos ni Zaldarriaga.

85

Related posts

Leave a Comment