SA kabila ng banta ng paparating na bagyo noong Linggo, matagumpay na nagsagawa ng marijuana eradication ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office I – Ilocos Sur Provincial Office (PDEA RO I-ISPO), katuwang ang Ilocos Sur Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit at sa suporta ng Ilocos Sur 1st Provincial Mobile Force Company (1st PMPC), sa Barangay Licungan, Sugpon, Ilocos Sur.
Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, bandang alas-8:00 ng umaga nang pinasimulan ang pinagsanib na operasyon.
Tinatayang aabot sa 18,050 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P3,610,000 at 3,950 marijuana seedlings na nagkakahalaga ng P158,000, na may kabuuang halaga batay sa Dangerous Drugs Board (DDB) na P3,768,000, ang nawasak ng PDEA.
Umabot sa 3,260 metro kuwadrado ang kabuuang lawak ng pitong taniman ang nasagasaan sa naturang operasyon.
Tiniyak ng PDEA RO I, sa pamumuno ni Regional Director Atty. Benjamin G. Gaspi, ang patuloy na maigting na kampanya laban sa paglaganap ng ilegal na droga sa rehiyon.
Binigyang-diin din ng ahensya, nananatiling pangunahing prayoridad ang marijuana eradication operations, lalo na sa upland areas kung saan pilit na itinataguyod ang ilegal na pagtatanim.
Ang mga binunot na tanim na marijuana ay sinunog sa lugar.
(JESSE RUIZ)
