KAISA SA PAGSUSULONG NG RENEWABLE ENERGY. Nakipagtulungan ang Meralco sa Energy Regulatory Commission (ERC), at lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa pagsusulong ng mas malawak na paggamit ng renewable energy sources. Makikita sa larawan sina (L-R) Meralco Senior Vice President at Chief Revenue Officer Ferdinand O. Geluz, Quezon City Mayor Josefina “Joy” G. Belmonte, ERC Chairperson Monalisa C. Dimalanta, at Meralco Vice President at Head of Utility Economics Lawrence S. Fernandez noong pirmahan ng tripartite agreement nitong Agosto 4, 2025.
Pormal nang nagtulung-tulong ang Manila Electric Company (Meralco), Energy Regulatory Commission (ERC), at lokal na pamahalaan ng Quezon City para palawakin pa ang paggamit ng renewable energy (RE) sources sa lungsod sa pamamagitan ng isang tripartite agreement.
Para sa Quezon City, sang-ayon ang kasunduan sa mas malawak na inisyatiba ng lungsod para sa pangagalaga ng kalikasan lalo na at kasapi ito sa C40 Cities—isang pandaigdigang network ng mga alkalde mula sa mga nangungunang lungsod sa buong mundo na nagtutulungan para matugunan ang epekto ng climate change.
Ayon kay Quezon City Mayor Josefina “Joy” G. Belmonte, makatutulong ang kasunduan ng lungsod, Meralco, at ERC para mas marami pang pamilya at negosyo ang makagamit ng RE.
“One of our core priorities in Quezon City has always been to make energy cleaner, more reliable, and more accessible not just for our whole operations but for households and businesses in our city. Through this agreement with ERC and Meralco, we’re putting systems in place, clear processes, better coordination, and stronger support so that more stakeholders can take part in our clean energy transition,” aniya.
Sa ilalim ng nilagdaang kasunduan, inaasahang mas mapapabilis ang pagproseso ng mga aplikasyon para sa net metering at distributed energy resources (DER). Inaasahan din na lalo pang lalawak ang kaalaman ng publiko ukol sa mga programa at patakarang sumusuporta sa paggamit ng RE solutions sa pamamagitan ng mga information and education campaign na isasagawa.
Sa ilalim ng net metering program, napapakinabangan ng mga customer ang kuryenteng nabubuo ng kanilang mga RE system gaya ng solar rooftop panels, habang ang sobrang kuryente ay naibabalik sa grid kapalit ng credits na maaaring ibawas sa kanilang electricity bill.
Tinatayang nasa halos 2,500 ng mga net metering customer ay nasa Quezon City—pinakamataas ang bilang na ito at pinakamalaking kabuuang kapasidad sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa franchise area ng Meralco.
Bahagi din ng nilagdaang kasunduan ang paglalagay ng Meralco ng booth sa loob ng Quezon City Hall Compound para sa konsultasyon at pagproseso ng mga net metering at DER application, gayundin ng iba pang serbisyo mula sa kumpanya.
Katuwang naman ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pagbibigay ng mga kinakailangang logistical support habang maglalaan naman ang ERC ng teknikal na kaalaman upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa.
Nangako ang Meralco na ibabahagi nito ang karanasan at kaalaman sa interconnection ng net metering at DER, at magbibigay ng mga eksperto bilang resource persons sa information at education campaign sa Quezon City.
Ayon kay Meralco Senior Vice President at Chief Revenue Officer Ferdinand O. Geluz, ang tripartite agreement ay sumasalamin sa pagtutulungan ng pampubliko at pribadong sektor para lalo pang matulungan ang mga konsyumer na pamahalaan ang kanilang paggamit ng enerhiya.
“As we move forward, Meralco remains fully committed in reinforcing our support to the government’s initiatives and thrust in renewable energy and energy transition and in making a lasting impact—not just in the lives of our customers but to the progress of our nation,” ani Geluz.
Patuloy ang aktibong pakikipagtulungan ng Meralco sa ERC at mga lokal na pamahalaan sa franchise area nito para sa pagsusulong ng paggamit ng RE. Noong 2023, lumagda rin ang Meralco sa isang kasunduan kasama ang ERC at pamahalaang lungsod ng Pasig para sa pagsusulong ng RE.
336 