HIGH TRUST RATINGS NG KAMARA INSPIRASYON NG MGA MAMBABATAS

ITINUTURING na inspirasyon ng mga kongresista ang mataas na ratings ng Kamara na patunay ng tiwala ng taumbayan.

Ito ang iginiit ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong’ Ordanes matapos maitala ang 57% trust rating ng Kamara base sa resulta ng OCTA Research Tugon ng Masa survey noong nakaraang buwan mula sa 49% noong 1st Quarter survey.

Umangat din sa 55% ang performance rating ng Kamara mula sa 47%.

Ayon kay Ordanes, pagpapatunay lamang ito sa maayos at matatag na pamumuno ni Speaker Martin Romualdez.

Dagdag ng mambabatas na ang pagtaas ng trust rating ng Kamara ang patunay na tama ang pagbibigay ng ikalawang termino kay Romualdez para maipagpatuloy ang magandang pamumuno nito.

Aniya, sa kanilang sektor lubos na naramdaman ng senior citizens ang malasakit ni Romualdez.

“Tumatatag ang aming lakas ng loob sa pagkilala ng sambayanan sa pamumuno at kredibilidad ng Kamara sa pamumuno ni Speaker Romualdez. Patunay din ito na tama ang aming mga ginagawang pagtugon sa pangangailangan ng sambayanan,” sabi ni Ordanes.

Ipinunto nito na ang nakalipas na 19th Congress ang maituturing na pinaka-produktibong termino ng Kamara sa pagkakapasa ng 61 sa 64 na mga panukalang batas na tinukoy na prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) alinsunod sa Bagong Pilipinas agenda.

Sambit pa nito, mas pagtitibayin nila ang pagsuporta kay Romualdez para mapagbuti pa nang husto ang kapakanan ng senior citizens at iba pang mahihinang sektor ng lipunan.

137

Related posts

Leave a Comment