Muling nagpaalala ang Meralco sa publiko na huwag basta-basta maniniwala sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang empleyado o kontraktor ng Meralco.
Nakarating sa kumpanya na may nag-aalok na gagalawin, ire-recalibrate o babaguhin ang metro para umano mapababa ang bayarin sa kuryente ng customer kapalit ng bayad na umaabot sa P10,000.
Nililinaw ng Meralco na hindi nag-aalok ang kumpanya at ang mga lehitimong kontraktor nito ng anumang serbisyo na may layong pababain ang singil sa pamamagitan ng pakikialam sa metro.
Binibigyang-diin ng kumpanya na mahigpit na ipinagbabawal ang paggalaw sa metro ng kuryente. Maaari itong maituring na pilferage of electricity, na may kaakibat na parusa sa ilalim ng batas, kabilang ang multa at pagkakakulong.
Bahagi din ng ginagawang panloloko ang pagbalik ng naturang indibidwal sa customer para takutin ang na nahuli na umano ng Meralco ang ginawang pakikialam sa metro, at muling manghihingi ng pera kapalit ng pangakong hindi raw kakasuhan ang customer.
Mariing iginiit ng Meralco na ito ay pananakot at malinaw na panlilinlang. Pinapayuhan ang publiko na huwag ipagalaw ang kanilang metro at huwag makipagtransaksyon sa sinumang nag-aalok ng ganitong serbisyo.
Bilang dagdag na paalala, hindi pumupunta sa mga tahanan ang mga empleyado at lehitimong kontraktor ng Meralco para maningil o humihingi ng bayad kapalit ang anumang serbisyo.
Isinasagawa ang inspeksyon, pagpapalit, o pag-alis ng metro na may kaukulang abiso o opisyal na dokumento.
Dagdag pa ng kumpanya na ang tanging legal na paraan para mapababa ang bayarin sa kuryente ay sa pamamagitan ng masinop at matalinong paggamit nito, at hindi sa pagkalikot ng metro.
“Nagpapaalala kami lalo na ngayong holiday season na maging maingat at mapagmatyag sa mga manloloko. Ang mga lehitimong empleyado at kontraktor ng Meralco ay naka-opisyal na uniporme, may valid ID, gumagamit ng opisyal na Meralco vehicles, at hindi nag-aalok ng iligal o hindi awtorisadong serbisyo,” ayon kay Meralco Spokesperson Joe R. Zaldarriaga.
“Kung may kahina-hinalang alok o insidente, agad itong i-report sa Meralco at sa mga awtoridad. Patuloy ang panawagan ng Meralco sa lahat na huwag magpapaloko, at makipagtulungan para maprotektahan ang sarili at ang komunidad laban sa panlilinlang,” dagdag ni Zaldarriaga.#
211
