1 PANG IGL LICENSE KINANSELA NG PAGCOR

TINIYAK kahapon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na tuluy-tuloy ang isinasagawa nilang paglilinis sa hanay ng kanilang mga Internet Gaming Licensees (IGLs), na dating kilala sa tawag na POGOS, upang masugpo ang mga iregularidad at criminal activities.

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco, mula sa orihinal na 46 kumpanya, na nabigyan ng lisensya sa ilalim ng kanyang administrasyon noong nakaraang taon, ay naging 42 na lamang ang aktibong licensees sa ngayon matapos kanselahin ang lisensiya ng isa pa noong nakaraang linggo, at suspindehin naman ang tatlong iba pa.

“Despite the lower number of IGLs and service providers today, we are proud to say that we collect more fees from them compared with the previous administration,” aniya.

Nabatid na ang bawat IGL ay nagbabayad ng guarantee fee na US$100,000 kada buwan o 2% ng kanilang gross gaming revenues, alinman ang mas malaki.

Nagbabayad rin sila sa pagitan ng US$25,000 at US$100,000 buwan-buwan bilang administrative fees, depende sa laki ng kanilang operasyon.

Bukod sa IGLs, sinabi ni Tengco na ang PAGCOR ay nag-isyu na rin ng permits sa 20 Service Providers at 14 permits para sa Special Classes ng BPOs. Ang mga service providers ay pinagbabayad ng US$85,000 monthly, habang ang mga Special Class BPOs ay nagbabayad naman ng US$10,000 kada buwan.

Sinabi ni Tengco na, “during the previous administration, no administrative fees were being collected from POGOs, while service providers were only charged application fees of varying amounts. Special Class BPOs were not paying anything at all”.

Dagdag pa ng PAGCOR chief, mayroong 63 POGO licensees noong nakalipas na administrasyon bukod pa sa 231 service providers at apat na Special Classes ng BPOs. Aniya, karamihan sa mga anomalya noon ay natunton mula sa mga service providers.

Noong 2019, sa kasagsagan ng mga legal POGO operations, nakakolekta ang PAGCOR ng P7.9 bilyon mula sa kanilang mga licensees habang noong 2023, matapos na mabawasan ang bilang ng mga IGLs at service providers, nagawa pa rin umanong makakolekta ng state gaming firm ng P5.2 bilyon.

Ngayong taon, inaasahan naman ng PAGCOR na makakalikom sila ng P6.5 bilyon mula sa natitirang mas kaunting IGLs at service providers.

129

Related posts

Leave a Comment