(NI KEVIN COLLANTES)
MADARAGDAGAN ng tatlo pang bagong istasyon ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) patungo sa shopping district ng Maynila.
Ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), nakaplano na ang konstruksiyon ng LRT-2 West Extension Project, na popondohan ng pamahalaan ng P10.1 bilyon at target nilang makumpleto sa taong 2023.
Sa ilalim ng proyekto, daragdagan ang kasalukuyang linya ng LRT-2 ng tatlo pang istasyon, sa Tutuban, Divisoria at Pier 4 sa Maynila.
Anang LRTA, sakaling matapos na ang konstruksiyon ng proyekto ay aabutin na lamang ng limang minuto ang biyahe ng mga commuters mula Recto Station hanggang Pier 4, habang ang travel time mula Masinag hanggang Pier 4 naman ay hindi lalampas ng isang oras.
Sa pagtaya ni LRTA Administrator Reynaldo Berroya, sa sandaling matapos ang proyekto ay madaragdagan pa ng 16,000 ang mga pasaherong maisasakay ng LRT-2 araw-araw, mula sa kasalukuyang 220,000 hanggang 240,000 pasahero na kanilang napagsisilbihan.
“The increase in commuters who will benefit from the extension project translates to the reduction of commuters not using Metro Manila’s congested streets,” ayon pa kay Berroya.
Ang WESTRAX Joint Venture umano ang makakatuwang ng pamahalaan sa bidding process para sa contractor ng proyekto.
Inaasahan namang masisimulan ng pamahalaan ang project procurement sa Enero ng susunod na taon.
Sa kasalukuyan, ang LRT-2 ang siyang nag-uugnay sa Recto Station sa Maynila at Santolan sa Pasig.
Gayunman, pansamantalang bumibiyahe lamang ito mula Recto Station hanggang Cubao Station, sa Quezon City, matapos ang sunog na naganap sa rectifier substation nito sa Katipunan, Quezon City.
167