UMABOT na sa P2.9 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dulot ng Southwest Monsoon (Habagat) na pinalakas ng mga bagyong Egay at Falcon.
Base sa pinakabagong situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang Department of Agriculture (DA) ay nakapagtala ng P2,944,689,603.82 sa production loss o halaga ng pinsala sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Bangsamoro Region, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Tinatayang may 108,729 mangingisda at magsasaka ang apektado ng napinsalang 153,268.39 ektaryang taniman. Habang 132,074.62 ektarya ang partially damaged. May 20,104.44 ektarya ang totally damaged at wala nang pag-asa na makabawi pa.
Sa kabilang dako, ipinaskil naman ng National Irrigation Administration (NIA) ang P137,781,000 halaga ng danyos sa Mimaropa at CAR.
Dahil sa masungit at masamang panahon pa rin, nawasak ang 573 istraktura, nagkakahalaga ng P3,631,012,164.44 sa infrastructure damage.
Nakapagtala naman ang CAR ng pinakamataas na infrastructure damage na may 347 structures na may halagang P2,261,635,339.74.
Sa 30 nasawi, apat ang kumpirmado habang 26 ang isinasailalim pa sa validation. May 171 ang naiulat na nasaktan at 10 ang nawawala.
Nasa kabuuang 233 siyudad at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity.
(CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL RUIZ)
