SUMUKO sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong co-accused ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo nitong Lunes.
Sa isinagawang press conference, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, lima ang sumuko sa NBI Central Luzon habang dalawa ang sumuko sa NBI Task Force Alice Guo.
Ayon kay Director Santiago, “Sila ang lumalabas na mga responsable doon sa Hongsheng incorporators at sa Zun Yuan incorporators. Lahat ito ay mga masasabi nating mga bogus corporation ni Alice Guo.”
(Mukhang responsable sila bilang mga incorporator ng Hongsheng at incorporator ng Zun Yuan. Masasabi nating lahat ng ito ay mga huwad na korporasyon ni Alice Guo.)
Noong nakaraang linggo, naglabas ng warrant of arrest ang Pasig Regional Trial Court Branch 167 laban sa mga kapwa akusado ni Guo sa qualified trafficking case.
Ayon sa ulat, apat sa mga sumuko ay subject ng arrest warrant. Ang kasong qualified trafficking ay walang piyansa.
“Lahat ang claim nila nagamit lang sila. Sabi ko nga sa inyo, ‘yung allegations na ‘yun, justification nila sa sarili nila, malalabas ‘yan during trial,” sabi ni Santiago.
Sinabi ng isa sa mga sumuko na legal ang negosyo nang masangkot siya rito, idinagdag na siya mismo ay dating nakikipag-ugnayan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“‘Yun pong mga documentations and everything, communications ng Zun Yuan Technology ay ako po ay direktang nakikipag-usap sa kanila at ako rin po ang tumatanggap. So there’s no way na sasabihin na kami po ay bogus o ako ay bogus,”sabi ng isa sa mga sumuko.
Samantala, ayon naman kay NBI Director Santiago, maghihintay ang NBI ng commitment order mula sa Pasig court.
“As far as these accused are concerned, the arrest warrants will be returned to the Pasig court and we will wait for the commitment order that will be issued by the Pasig court kung saan sila dadalhin,” pahayag ni Santiago.
Nauna rito, inilipat si Guo sa Pasig City Jail Female Dormitory mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City
Si Guo ay nahaharap din sa kasong graft gayundin sa reklamong money laundering. (RENE CRISOSTOMO)
