GANITO inilarawan ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang imbestigasyon ng Quad Committee sa Extra-Judicial Killings (EJK) kung saan nakapokus na umano sa dating pangulong Rodrigo Duterte ang Kamara gayong bahagi ang mga ito sa war on drug ng nakaraang administrasyon.
Ginawa ni Alvarez ang pahayag matapos imbitahan ng Quad Comm si Duterte subalit sa pagdinig kahapon ng komite, hindi dumalo ang dating Pangulo at base sa ipinadalang sulat ng kanyang abogado ay masama umano ang pakiramdam nito.
“Hindi mangyayari ang War on Drugs kung hindi ito suportado ng taong bayan at pinayagan ng Kongreso noong 17th at 18th Congress. Karamihan ng mga miyembro ng Kamara noon, nandito pa rin sa 19th Congress. Kung guilty si dating pangulong Duterte, iisa lang ang ibig sabihin niyan: guilty rin ang Kongreso,” ani Alvarez.
Ipinaliwanag ng dating speaker na hindi sariling krusada ni Duterte ang war on drugs at kaya nailunsad aniya ito ay dahil sa suportang ibinigay ng buong gobyerno, kasama na ang Kongreso, kaya pinondohan ito ng mga mambabatas sa pamamagitan ng General Appropriations Acts (GAA).
Sa kabila aniya ng panawagan noong panahon ng war on drugs na panagutin ang mga nagkasala sa pagpatay ng mga inosenteng mamamayan na walang kinalaman sa ilegal na droga, ipinagpatuloy ng Kongreso ang pag-apruba ng bilyun-bilyong piso para sa operasyon sa ngalan ng “peace, order, and national security”.
“Bawat SONA, yung Congress pumapalakpak, nakatayo pa, kasama diyan yung mga nasa QuadComm ngayon. Dapat isama sila sa imbestigasyon. Kung walang approval ng Congress, hindi maipatutupad ang war on drugs. Hindi kailangan maging henyo para maintindihan yan,” ayon pa kay Alvarez.
“Kung totoong accountability ang pag-uusapan, doon tayo sa gumawa ng paraan para mapatupad ang war on drugs. Kaya kung ang may kasalanan ang hahanapin, malaki ang parte ng Congress dahil kung walang pondo, walang war on drugs,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)
89