BAN SA LIQUID ITEMS SA MRT 3, LRT INALIS NA

mrt20

(NI DAVE MEDINA)

MAGKASABAYANG tinanggal ng pamunuan ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) at ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang naunang kautusan sa pagbabawal ng mga likido at ibang kauring  materyales sa loob ng kanilang pasilidad kabilang ang mga tren at train stations.

Sa kanilang media advisory, sinabi ng MRT 3 management na pinapayagan nang makapagdala at  maipasok ng mga pasahero ang mga likidong mahigit sa 100 mililitro, taliwas sa dating kautusang pahintulot na mas mababang dami ng likido.

“Ang mga liquid item, tulad ng tubig, pabango, hand sanitizer, lotion, rubbing alcohol, at iba pa mahigit 100ml ang volume ay pinapayagan na sa aming mga istasyon at tren,” anang advisory ng  MRT 3 management, Miyerkoles ng umaga.

Gayunman, nagpasubali ang management na dapat ay susubukang gamitin ng pasahero ang likidong ipapasok sa istasyon ng tren bago tuluyang payagang maipasok.

Sa mga tubig, kailangang inumin ang bahagi nito samantalang sa alkohol , pabango at lotion ay dapat na ipahid sa balat sa  nakikita ng mga security personnel upang makatiyak na ligtas ang naturang mga likido.

Tiniyak naman ng pamunuan na maaaring mabawi ang mga  item na iniwan ng mga pasahero nang nakaraang mga araw sa Station Control Room at magpakita lamang ng kaukulang dokumento o patunay sa nakatalagang security officer o supervisor.

“Muli po naming ipinapaalala na maaari ninyo pong kunin ang inyong mga nakumpiskang liquid item mula nang ipinatupad ang pagbabawal ng anumang likido, sa aming Station Control Room sa istasyon kung saan ito nakumpiska. Ipakita lamang ang inyong ID sa aming Station Supervisor upang makuha ang mga  nasabing item,” sabi pa ng management sa advisory nila.

Nilinaw naman na LRTA na pansamantala lamang ang kanilang pag-aalis ng ban o pagbabawal dahil hinihintay pa nila ang opisyal na implementing rules and regulations (IRR) mula sa Office for Transportation Security (OTS).

Mananatili naman umanong mahigpit ang pagpapatupad nila ng security checking sa mga pasahero at bagahe ng mga ito sa kabila ng pag-aalis ng ban sa nabanggit na likido.

Kabaligtaran naman sa MRT 3,  sa LRT-2 ay hindi kailangang inumin ang laman ng kanilang bottled water o ipasuri ang lotion o cosmetics sa security personnel bago pumasok ng istasyon.

Ang mga bagahe umano ng pasahero ay idadaan pa rin sa x-ray machines o ipaaamoy sa K-9 Units  katulad ng dati bilang bahagi ng pagrerekisa.

Ang pagbabawal sa mga nabanggit na likido ay alinsunod sa rekomendasyon ng Philippine National Police (PNP) makaraang makatanggap ng bomb threat sa pamamagitan ng email ang MRT 3 ilang araw bago ang kambal na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel sa Jolo, Sulu at mga pagsabog sa Cotabato City at Maguindanao noong buwan ng Enero.

 

 

169

Related posts

Leave a Comment