MERS CASE SA LAGUNA MINOMONITOR NG DOH

doh

(NI NILOU DEL CARMEN)

MINOMONITOR ng Department of Health ang isang pasyento mula Laguna na hinihinalang may Middle East respiratory syndrome (MERS) virus, ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo.

Dinala na rin umano ang biktima sa RITM [Research Institute for Tropical Medicine] para sa masusing pag-aalaga.

Kasabay nito, pansamantalang isinara ang ilang bahagi ng isang ospital sa Sta Cruz, Laguna dahil sa hinihinalang kaso ng MERS-CoV sa isang pasyente na ipinasok doon.

Ayon kay Dr. Rene Bagamasbad, Provincial Health officer ng Laguna,  mula madaling araw ng Miyerkoles ay nagpatupad ng temporary closure sa emergency room, sa ilang kuwarto at mga pasilyo ng Laguna Doctors Hospital na dinaanan ng pasyenteng hinihinalang tinamaan ng virus.

Isinagawa rin kaagad ang sanitizing sa mga nasabing bahagi ng ospital at maging ang mga staff na nagkaroon ng kontak sa pasyente ay isinailalim sa isolation at  kinunan ng blood, sputum at rectal swab samples   upang matiyak ang kanilang kalagayan.

Ipinasok umano ang lalaking pasyente noong Lunes ng gabi matapos na ito ay makaramdam ng mga   sintomas mula ng ito ay dumatng galing sa Saudi Arabia.

Nailipat din kahapon sa isang ospital sa Metro Manila ang nasabing pasyente.

Ang MERS-CoV o Middle East respiratory syndrome coronavirus ay isang viral respiratory disease na unang na-identify sa Saudi Arabia noong 2012.

Kabilang sa mga sintomas ng sakit  ay parang pulmonya at trangkaso: may ubo, sipon, lagnat, at maaari ring magkaron ng sakit ng tiyan at sakit ng ulo.

Ayon sa WHO, ang  MERS-CoV ay posible makahawa kung magkakaroon ng close contact sa taong may sakit nito.

154

Related posts

Leave a Comment