PINAYAGAN na raw sa Valenzuela City ang tayuan sa mga bus, ayon sa isang konduktor ng Malanday Metrolink bus na bumibiyahe sa rutang Balagtas-Monumento, Monumento-Balagtas.
Ito umano ay simula nang tumaas ang presyo ng krudo nitong nakaraang mga linggo.
Dakong alas-5:00 ng gabi noong Abril 7, matapos na pumila sa siksikang R. Simon St. na wala ni isang traffic enforcer ang nag-aayos ng trapiko kahit halos masagasaan na ng mga motorsiklo at bus ang mga pasahero dahil sa dami ng vendor na nakahambalang sa kalye, ay nakasakay rin at nakaupo sa Malanday Metrolink bus na may body number na 15030, ang ang isang mapagkakatiwalaang source.
Sa kanyang pagkabigla, sumigaw ang konduktor ng: “O ‘yung mga nagmamadali, pwedeng tumayo,” at nagpasukan na at nagsitayo ang mga pasaherong marami na ang hindi nakasuot ng face mask.
Nang tikitan ng konduktor, nagtanong ang source kung sino ang may sabi na pwede nang magpatayo ng mga pasahero sa bus.
“Pinayagan na ng Valenzuela simula nang tumaas ang presyo ng krudo,” ayon sa konduktor, kahit na ng mga sandaling iyon ay patawid pa lang ang bus sa Malabon galing sa Caloocan sa McArthur Highway.
Bagama’t gusto pang magtanong ay pinigil umano ng source ang kanyang sarili dahil alam niyang wala namang patutunguhan ang usapan at puro lang kasinungalingan ang makukuha niyang sagot dahil seating capacity pa lang ang pinapayagan sa mga pampasaherong sasakyan para hindi kumalat ang COVID-19.
Hinihimok ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela na magbigay ng panig at aksyunan ang pangyayari. (ALAIN AJERO)
203