DIGONG-GARMA MAY FACE OFF SA KAMARA?

POSIBLENG magharap sina dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma at dating pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig sa Kamara.

Ito ay matapos pormal nang padalhan ng Quad Committee ng imbitasyon si Duterte para sa ika-9 na pagdinig sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), Illegal Drug Trade at Extra-Judicial Killings bukas, Martes.

Pirmado ni Quad Comm lead chairman Rep. Robert Ace Barbers ang imbitasyon sa dating pangulo na ipinadala noong Oktubre 18, 2024 sa bahay nito sa Davao City.

“In this regard, the joint Committee respectfully invites you to attend the said inquiry to provide valuable insights and shed light on the issues under discussion particularly on extrajudicial killings,” bahagi ng imbitasyon kay Duterte.

Sakaling dumating si Duterte, makakaharap nito si Garma na unang nagsiwalat na ipinagaya ni Duterte ang Davao Model sa war on drugs sa buong bansa.

Sa ilalim ng Davao Model, makakatanggap ng reward money ang mga pulis na makakapatay ng drug suspect na nakatala sa drug list ni Duterte kung saan umaabot ng P20,000 hanggang P1 milyon ang pabuya.

Inamin din ni Garma na inutusan siya ni Duterte na maghanap ng police officials na may kakayahang magpatupad ng Davao Model sa buong bansa kung saan inirekomenda nito ang kanyang upper class sa Philippine National Police Academy (PNPA) na si ret. PCol. Edilberto Leonardo.

Si Leonardo din umano ang tagabayad sa mga pulis na nakakapatay ng drug suspek kung saan ang pera ay galing sa dating Special Assistant to the President (SAP) at ngayo’y Senador na si Bong Go.

Samantala, sinabi naman ni House deputy majority leader Rep. Jude Acidre na marami pang pasabog si Garma hinggil sa war on drugs ng nakaraang administrasyon kung saan umaabot sa 30,000 drug suspek ang napatay na mayorya ay mahihirap.

‘I anticipate for more explosive revelations from retired police colonel and former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma,” ani Acidre subalit hindi ito nagbigay ng detalye. (BERNARD TAGUINOD)

5

Related posts

Leave a Comment