“‘WAG na maghugas kamay, dahil pare-pareho lang naman kayo”.
Ito ang mensahe ni House assistant minority leader Rep. Arlene Brosas kay Vice President Sara Duterte matapos bakbakan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa gitna ng imbestigasyon ng katiwalian sa paggamit nito sa kanyang confidential funds.
Sa kanyang press conference noong Biyernes, tuluyang sumabog ang galit ni Duterte kay Marcos dahil wala umano itong ginagawang aksyon para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
“The Marcos and Duterte political dynasties have consistently prioritized their self-interests over the genuine demands and aspirations of the people,” ayon pa kay Brosas na naniniwalang diversionary tactics ang ginawa ni Duterte dahil lalo itong nadidiin sa katiwalian partikular sa paggamit ng kanyang intelligence funds, hindi lamang sa Office of the Vice President (OVP) kundi maging sa Department of Education (DepEd) noong 2023.
Dahil dito, kailangang panagutin umano ang dalawang nabanggit na pamilya dahil kapwa ibinaon ng mga ito ang sambayanang Pilipino sa kahirapan dahil pansariling interes ang kanilang inuna.
Ayon naman kay dating Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casino, kahit makipag-alyansa pa si Marcos sa grupo ni dating Vice President Leni Robredo, hindi ito magiging hadlang para hindi habulin ang pangulo sa kanyang pananagutan sa mga Pilipino.
“Under the Marcos administration, our people have suffered greater hardships. Self-rated poverty is at 58% of Filipino families, the highest in 16 years, according to the latest SWS survey.
Involuntary hunger, at 22.9% of Filipino families, is also at its highest since the COVID-19 lockdown,” ani Casino.
Kailangan din aniyang habulin si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa maraming pagpatay sa mga Pilipino noong kasagsagan ng war on drugs at maging ang mga katiwalian sa gobyerno tulad tulad ng Pharmally scandal, pagbabaon sa bansa sa utang at marami pang iba. (BERNARD TAGUINOD)
39