NATAGPUANG nakalutang ang isang 53-anyos na vendor sa breakwater sa Happy Land, Manila Bay, Tondo,Manila kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Diomedes Genebraldo y Lipanta, may live-in partner at residente ng #49 Carnation St., Happy Land, Barangay 105, Zone 8, Tondo.
Batay sa ulat na isinumite ni Det. Dennis Suba kay P/Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 10:00 ng umaga nang madiskubre ng 18-anyos na si Renato Niangan Jr. ang bangkay ng biktima.
Agad niyang ipinagbigay-alam sa pulisya ang insidente na agad iniahon ang biktima at kinilala ng kanyang mga kaanak.
Nabatid kay Jarish Genebraldo, 21, kaanak ng biktima, bandang 4:00 ng hapon nitong Linggo nang huling nakitang buhay si Genebraldo habang nakaupo sa tabing dagat.
Hindi naman umano masasabing naligo ang biktima dahil nakadamit ito nang matagpuang patay. (RENE CRISOSTOMO)
124