NAIS ni House Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo na tanging ang Department of Agriculture (DA) na lang ang mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa dahil hindi naman bumababa ang presyo ng imported rice sa merkado.
“Binabaan na nga ng Pangulo ang taripa ng imported na bigas ng mga negosyante, pero ang presyo sa merkado nasa P50 to P60 pa rin ang kilo,” puna ni Cong. Tulfo.
“Dont tell me walang saysay ang pagbaba ng taripa. So saan napupunta ang savings sa taripa? Dapat sa mga tao di ba?,” tanong ng mambabatas. Aniya, mukhang ang nakikinabang lang ay ‘yung mga importer, “therefore kailangan nating kumilos na”.
Maghahain ng panukalang batas si Cong. Tulfo ngayong araw kasama sina Cong. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo ng ACT-CIS Party-list, Benguet Rep. Eric Yap, at Quezon City Rep. Ralph Tulfo na bigyan ng kapangyarihan ang DA na mag-import ng bigas para ibenta sa mga palengke.
Ayon sa panukalang batas, kung magkano nakuha ng DA ang bigas sa ibang bansa, ay ganundin ang magiging katumbas na presyo sa merkado.
“Dahil bawal magbenta ang DA ng bigas, isasama natin sa panukala na ang mga interesadong rice retailers ay maaari nang mag-apply bilang licensed kadiwa outlets sa DA,” paliwanag ni Tulfo.
“Akala natin bababa na ang presyo ng bigas pagtapyas ng taripa, yun pala walang epekto kasi ang profit o kita sa mga importer lang napupunta,” aniya pa.
Anang ACT-CIS Congressman, “ngayon pag pumasok na rin ang DA na maaari na itong mag-import regularly, then may kakumpitensya na ang mga negosyante…entonces mapepwersya na silang ibaba ang presyo nila sa merkado”.
Nakasaad din sa naturang panukalang batas na kapag panahon ng anihan ng palay, ititigil ng DA ang pagbibigay ng import permit ng bigas sa lahat para maprotektahan ang local manufactured rice at ang interes ng mga magsasaka.
30