UPANG mabilis na maresolba ang mga kaso ng overseas Filipino workers (OFWs), ipinanukala ng isang mambabatas na magkaroon ang mga ito ng hiwalay na komisyon.
Sa ilalim ng House Bill (HB) 8805 na inakda ni House Committee on Overseas Workers Affairs Rep. Ron Salo, nais nitong itatag ang “Migrant Worker Relations Commission” na isasailalim sa Department of Migrant Workers (DMW).
“The establishment of a dedicated quasi-judicial body exclusively for OFWs to ensure a more focused and streamlined approach to address their specific needs was initially proposed in the original draft creating the DMW in the House of Representatives,” ani Salo.
Gayunpaman, napagpasyahan aniya ng Kongreso na gumawa na ng panibagong panukala para sa pagtatatag ng MWRC upang ang komisyong ito ang magreresolba sa mga kaso ng OFWs na kasalukuyang hawak ng National Labor Relations Commission (NLRC) na nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon sa mambabatas, kada taon ay hindi bababa sa 30,000 labor cases ang nireresolba ng NLRC kaya naapektuhan ang kaso ng OFWs, kaya kailangang aniyang magkaroon ng hiwalay na komisyon upang mas mabilis na madesisyunan ang mga kasong ito ng mga bagong bayani.
“With the establishment of the MWRC, our OFWs are provided with a timely and fair resolution of their grievances. This expeditious process will be particularly advantageous for OFWs who must return abroad for work, allowing them to pursue their livelihoods without unnecessary delays caused by unresolved disputes,” paliwanag ng mambabatas.
Tulad ng NLRC, magkakaroon ng chairman ang MWRC at 8 commissioners na hahatiin sa tatlong dibisyon bukod sa Migrant Workers Arbiters, Conciliators-Mediators na siyang magdedesisyon sa mga kasong ihahain ng OFWs.
Pagkilala rin aniya sa kontribusyon ng OFWs sa ekonomiya ng bansa, ang pagtatag ng MWRC kaya hiniling nito sa liderato na bigyang prayoridad ang nasabing panukala.
“Having a Commission especially dedicated to resolve the claims and disputes of our OFWs will guarantee the swift, accessible, and equitable resolution of their grievances. Their contributions remain integral to the nation’s advancement, and the MWRC stands as a testament to the government’s unwavering commitment to their well-being,” ayon pa sa mambabatas.
(BERNARD TAGUINOD)
188