(NI ABBY MENDOZA/PHOTO BY KIER CRUZ)
INATASAN ng Department of Interior and Local Government(DILG) ang mga Local Government Units(LGUs) na lingguhan nang maglinis sa kani-kanilang lugar na sakop ng Manila Bay bilang tulong sa ginagawang rehabilitasyon.
Ayon kay Interior Undersecretary Epimaci Densing, nag-isyu na sila ng memorandum sa mga LGUs kasama ang mga barangay para sa lingguhang paglilinis sa Manila Bay at mayroon umanong monitoring system ang DILG upang masiguro na nasusunud ang direktiba.
Banta ni Densing, ang hindi tatalima ay maaaring kasuhan ng administratibo.
Sinabi ng opisyal na tuloy-tuloy ang dapat na maging paglilinis sa Manila Bay umulan man o umaraw upang hindi na mangyari ang pagtambak ng basura, ang kalinisan ay tungkulin umano ng mga LGUs na nakasasakop sa lugar.
Maliban sa regular na paglilinis ay inaatasan din ng DILG ang mga LGUs na bantayan ang mga informal settlers sa kanilang lugar at tiyakin na hindi na ito nagtatapon ng kanilang basura.
Una nang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na 80 hanggang 85 porsiyento ng mga basura sa Manila Bay ay dala ng mga informal settlers na naninirahan sa paligid ng Manila Bay, ani Densing. Kung ang 230,000 informal settlers sa lugar ay hindi na magtatapon ng basura at babantayan ito ng mga concerned LGUs ay tiyak na mababawasan ang basura sa Manila Bay.
Pinababantayan din ng DILG sa mga LGUs na hindi na dadami pa ang mga informal settlers, sa huli umano nilang bilang ay nasa 230,000 ito at hindi na ito dapat na dumami pa, kung dadami umano ang bilang ng mga squatters ay ang LGUs ang kanilang pananagutin dito.
“Nasa responsibilidad po ng local government na mapanatiling walang mga informal settler sa kanilang lugar o hindi lumaki.Kung lumaki po ‘yan [bilang ng mga informal settler, meron na po tayong basehan para magsampa ng mga administrative case sa mga barangay captain na nagpadami pa ng mga informal settler families sa kani-kanilang barangay,” pahayag ni Densing.
Umapela din ang DILG sa publiko na maging aktibo sa Manila Bay Clean up sa pamamagitan ng pagsasaway sa mga tao na patuloy na nagtatapon ng basura sa Manila Bay.
“‘Wag na pong magdudumi. “Pag may nakita silang nagdudumi ay sawayin nila, let’s do our part,”dagdag pa ni Densing.
Aminado ang DILG na aabutin pa ng 7 taon bago tuluyang makita ang Bagong manila Bay subalit sa mga susunud na buwan umano ay malaki na ang pagbabagong makikita sa paligid, una na dito ang kawalan ng basura at bahagyang pagbaba ng coliform level sa tubig.
433