(NI KEVIN COLLANTES)
ISINAPUBLIKO na ng Department of Transportation (DOTr) nitong Biyernes ang link kung saan maaaring mag-apply ang mga estudyante ng identification (ID) card na maaari nilang magamit upang makapag-avail ng libreng sakay sa tatlong pangunahing railway lines sa bansa, simula sa Hulyo 1, Lunes.
Sa isang paabiso, sinabi ng DOTR na maaaring makita ang application form para sa pagkuha ng free ride ID sa pamamagitan nang pag-access sa link na tinyurl.com/y66f8nr4.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, maaari rin namang kumuha ng ID sa mga Malasakit Centers na ilalagay ng DOTr sa mga istasyon ng mga rail lines na magbibigay sa mga estudyante ng libreng sakay, kabilang ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), at Philippine National Railways (PNR).
Kinakailangan lamang umano ng mga ito ng ID photo, School ID at Certificate of Enrollment para makakuha ng ID.
Paglilinaw ni Tugade, libre lamang ang pagkuha ng free ride ID, na gagawin rin nilang permanente.
Habang wala pa naman umanong ID ang mga estudyante ay maaari muna nilang gamitin at iprisinta ang kanilang mga balidong school ID sa unang bahagi ng implementasyon upang makapag-avail ng libreng sakay.
Nitong Huwebes ay una nang inianunsyo ni Tugade na pagkakalooban ng DOTr ng libreng sakay ang mga estudyante sa MRT-3, LRT-2 at PNR, alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing tuluy-tuloy ang pagpapadama ng pamahalaan ng puso at malasakit para sa mga Pilipino at mabigyan ang mga ito ng kumportableng pamumuhay.
Anang kalihim, ang libreng sakay ay ipatutupad sa mga piling oras sa umaga at hapon, mula Lunes hanggang Biyernes, maliban kung holiday.
Bukod dito, libre na rin ang terminal fee ng mga estudyante sa mga paliparang pag-aari at pinangangasiwaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), gayundin sa lahat ng pantalang pag-aari at pinatatakbo ng Philippine Ports Authority (PPA).
“Patunay po ito ng patuloy na pagmamalasakit ng Kagawaran ng Transportasyon at ng mga kaugnay nitong ahensyang MRT-3, LRT-2, PNR, CAAP at PPA, upang bigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino, gaya ng hangad ni Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Tugade.
141