(NI MAC CABREROS)
BILANG pagtalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinuyod ng Eastern Police Districtang mga lotto outlets sa Lungsod ng Pasig, Marikina, Mandaluyong City at San Juan (PaMaMariSan), ngayong Sabado ng umaga.
Pinamunuan mismo ni EPD director, BGen. Nolasco Bathan, kasama si San Juan City Police chief, Col. Ariel R. Fulo sa pagsasara sa mga lotto outlets sa 79 F. Blumentritt St., 107, N. Domingo St., Brgy. Pedro Cruz; 02 G.B Santos St., Brgy Rivera; 19-A N. Domingo St., Brgy Progreso; 146 Aurora Blvd, Brgy Balong Bato; Aurora Blvd. Brgy
Salapan, nasabing lungsod.
Naging maayos at mapayapa ang pagsasara sa mga lotto outlets, ayon sa tanggapan ni BGen. Bathan.
Naunang ipinatigil ni Pangulong Duterte ang operasyon ng mga Lotto outlets, STL, Keno at Peryahang Bayan dahil ugat o pugad ito ng korupsyon.
Umani ng magkakaibang reaksyon ang nasabing hakbang ng Pangulo kung saan matindi ang pagtutol ng mga may-ari ng lotto outlets dahil sa pagkawala ng kanilang puhunan at kabuhayan kasama ang kanilang empleyado.
“Maganda po ‘yan. Pambili na lamang ng pagkain ang pantaya,” pagpabor ng isang empleyado ng engineering company sa Pasig City.
“Kung inipon ko lang sana ang itinaya ko simula noong may lotto ay malamang libu-libong piso na ang pera ko o baka milyon pa,” dugtong ng isa pa.
Ang Lotto 6/42 ay sinimulan ng PCSO sa ilalim ni chair Manuel Morato noong Enero 1995 sa halagang P10 kada isang 6-numerong kombinasyon habang ang Small Town Lottery ay nag-umpisa noong Marso
20, 2006 sa administrasyon ni pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Layon ng lotto na makalikom ng pondo para sa charity service ng gobyerno habang target na mapatigil ng STL ang jueteng.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, unang binola ang loterya noong 1833 sa pamamagitan ng Empresa de Reales Loterias Españolas de Filipinas sa ilalim ng Spanish government. Maging si Dr. Jose Rizal ay nanalo ng ₱6,200 noong 1892 habang naka-exile sa Dapitan at nai-donate ang panalo nito sa isang educational project.
Nabatid na isa kada 5.2 milyon ang tsansang manalo sa 6/42 habang 1 kada 8.124 milyon sa 6/45 ; 1 kada 14 milyon sa 6/49; 1 kada 29 milyon sa 6/55 at 1 kada 40.4 milyon sa lotto 6/58.
293