(NI KEVIN COLLANTES)
NATIGIL pansamantala ang mga biyahe ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kaninang umaga matapos na kapwa makaranas ng aberya.
Sa inisyung advisory ng Light Rail Transit Authority (LRTA), nabatid na dakong 9:49 ng umaga nang kailanganin nilang pansamantalang itigil ang operasyon ng LRT-2 bunsod ng technical problem.
Kaagad namang tinugunan at naisaayos ang problema at pagsapit ng 10:19 ng umaga ay naibalik rin sa normal ang biyahe ng naturang rail line.
Samantala, dakong 10:17 ng umaga naman nang magpaabiso ang Department of Transportation (DOTr) na nagkaaberya rin ang biyahe ng MRT-3.
Sa advisory ng DOTr, nabatid na nagkaroon ng problema sa power supply ng train system mula sa Ayala Station hanggang Taft Avenue Station, na kaagad namang ipinaabot sa kanilang power personnel upang maisaayos.
Dakong 10:34 ng umaga ay kinailangang i-evacuate ang mga pasahero sa interstation ng Magallanes at Ayala (NB).
Pagsapit naman ng 10:35 ng umaga ay naibalik na ang suplay ng kuryente at gayundin ang normal na operasyon ng kanilang mga tren.
Humihingi ng paumanhin ang pamunuan ng LRT-2 at ng MRT-3 sa kanilang mga mananakay at tiniyak na paiimbestigahan ang mga naturang aberya upang matukoy ang dahilan ng mga ito.
Ang LRT-2 ang nagkokonekta sa Santolan, Pasig City at Recto sa Maynila, habang ang MRT-3 naman, ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City via Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
145