NANAWAGAN ngayon ang pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa pagpapairal ng responsible parenthood kaugnay sa pagdiriwang ng ‘National Children’s Month’.
“Bilang ina ng Lungsod, ako ay nananawagan sa lahat ng mga magulang at sa mga nagpaplanong maging magulang, na sa bawat maligayang sandali ng inyong pakikipagniig, nawa’y maisip ninyo nang mabuti ang katuwang na responsibilidad sa mga magiging bunga ng inyong pagmamahalan.”
Panawagan ito ni Manila Mayor Honey Lacuna sa pagiging responsableng magulang matapos pangunahan ng lungsod ang pagdiriwang ng National Children’s Month.
“Ang pagmamalasakit ng inyong pamahalaan ay lagi ninyong maaasahan, ngunit ang pangunahing proteksyon at ang pangangalaga sa mga bata ay nagsisimula at higit na inaasahan sa pamilya at tahanan. Huwag nating hayaang maging biktima ang ating mga anak ng ating sariling kapabayaan,” saad nito.
Sinabi pa ng lady mayor na bilang responsible parents, sila ay pamamarisan ng mga bata dahil sila ay tinitingala bilang mga modelo hanggang sa kanilang paglaki.
Inulit ni Lacuna ang paninindigan ng lokal na pamahalaan na pangalagaan ang mga karapatan ng mga bata sa Lungsod ng Maynila, gaya ng kanyang madalas na sinasabi sa maraming programa na ginawa ng kanyang administrasyon.
Kabilang dito ang pagpapalakas ng free health services sa mga health cluster na binubuo ng six local hospitals at ng Manila Health Department; prenatal care sa mga city’s health centers kabilang na ang ultrasound para sa mga buntis na kababaihan.
Ang mga batang edad 0-12 na buwan ay binigyan ng libreng bakuna kung saan 59% o 22,092 mga sanggol ay na-administer ngayong taon.
Mayroong 150% ng mga bata ang isinailalim sa ‘Operation Timbang’ habang pitong porsyento naman ng mga batang naudlot ang paglaki at natugunan.
Pinaigting din ang libreng health programs sa public schools sa lungsod habang ang minors with disability ay isinampa na sa listahan ng mga sektor na tatanggap ng financial allowance mula sa local government simula pa noong Enero.
Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit na 26,500 na mga paslit na naka-enroll sa 474 childhood development centers kasabay ng paglulunsad ng lungsod ng Barangays’ Supervised Neighborhood Play’ bilang alternative daycare.
Patuloy rin ang supplemental feeding pati na ang pagkakaroon ng libreng uniforms, bags, shoes at school supplies. (JESSE KABEL RUIZ)
36