HOPELESS case na ang corruption sa Bureau of Customs!
Ganito ilarawan ng mga empleyado sa BOC ang talamak na korapsiyon sa naturang ahensiya matapos mabunyag na mismong mga opisyales nito ang nagsisilbing ahente at broker para lamang matakasan ang pagbabayad ng buwis.
Ayon sa isang BOC employee na nakiusap itago ang pagkakakilanlan sa pangalang Mike, ngayon lamang sila nakaranas ng pinakagarapal na korapsiyon sa pantalan.
“Dati buwaya lang ang Customs. Pero ngayon ay mga demonyo na sa pagiging gahaman sa pera,” ani Mike na nagsabing kung graduate na sana ang kanyang mga anak ay gusto na niyang mag-retiro ng maaga.
“Hindi ko masikmura ang mga pinaggagawa nila! Garapalan na talaga,” wika pa niya.
Maraming BOC employees ang dismaydo sa pamamalakad ngayon ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio dahil simula nang maupo ito noong Pebrero ng nakalipas na taon, lalo pang naging talamak ang korapsiyon sa kanilang ahensiya.
Palaging ipinagmamalaki ni Rubio na ‘super bagyo’ siya kina First Lady Liza Araneta-Marcos at kay Speaker Martin Romualdez kaya kahit sino sa pamahalaan ngayon ay walling maaaring gumiba sa kanya.
Maugong ang usapan sa BOC na regular umanong nabibigyan ng tig-P150 million weekly ang mag-bayaw sa pinsan na sina Liza at Martin — bagay na dapat linawin ng tatlong ito kung gaano katotoo ito o hindi.
Sinasabing ‘Sparring Partner,’ o sa mas marahas na salita ay ‘Partners-In-Crime,’ umano ni Rubio si Deputy Commissioner Vener Baquiran na panahon pa ng Pangulong Noynoy Aquino at dating Executive Secretary Paquito ‘Jojo’ Ochoa ay ‘siga’ na ito sa BOC.
“Sa galing mag-PR sa Malakanyang. Mula kina PNoy, Duterte at ngayon kay Marcos ay palagi siyang may juicy position,” sabi naman ng isang nagngangalang Ethel na empleyado rin sa BOC.
Diumano, ang diskarte ng tambalang Rubio at Baquiran ay may pinapaboran silang Customs broker na binibigyan ng sobra sa 50 percent discount na singil kada container.
Kung ang ordinaryong Customs broker umano ang magpapasok ng kanilang shipment o kargamento, hihingan nila ito ng P150,000 hanggang P200,000 kada container depende kung ‘de-beinte o de kuwarenta.’
Pero pagdating sa sarili umano nilang brokers ay P70,000 na lamang ito na dapat linawin sa publiko ng dalawang opisyal kung gaano katotoo ang ganitong akusasyon.
“Kung ikaw ay ordinaryong broker at ang singil mo sa kliyente mo ay P150k hanggang P200k kada lata (container), wala ka nang laban dahil sa mismong broker ng mga BOC officials ay 50 percent discount. Kaya iyong nagpaparating ng shipment ay lumilipat na rin sa kanila. Unfair para sa amin,” sabi naman ng isang ordinaryong Customs broker.
“Wala ring huli kapag sa kanila magparating pero kapag sa ibang broker, katakot takot na panggigipit pa ang ginagawa para lamang sumuka uli ng lagay,” dagdag pa ng nagsusumbong.
Ang inirereklamo din ng mga BOC employees, kapag dumadaan naman sa kanilang tanggapan ang mga pinapaborang shipment umano ng dalawang opisyal ay ‘libre’ ito at hindi na nagbibigay ng lagay sa kanila.
“Kapag dumaan dito sa amin mga shipment nila ay wala nang lagay at tuloy tuloy pa ang kargamento. Walang puwedeng gumalaw. Paano kung may droga na palang nakaipit diyan?” sabi naman ng isa pang BOC employee na nakiusap huwag nang banggitin ang pangalan.
“Thank you na nga sa lagay, obligado pa kaming magbigay sa kanila ng lingguhang lagay. Quota raw iyon at kapag hindi nagbigay ay tatanggalin kami sa puwesto at ang ipapalit ay iyong payag sa ganitong uri ng galapal na sistema,” sumbong pa niya.
Kapansin-pansin din na ang lahat ng pararating na imported vehicles, partikular na ang mga luxury at high end vehicles ay kailangang si BOC chief Rubio lamang ang puwedeng ‘magpapasok.’ “Labas pa riyan ang sindikato ng oil smuggling at cigarette smuggling,” sabi ng isang Customs examiner.
Isang nagngangalang Noel Bucaling na assistant director sa National Bureau of Investigation (NBI) ang inirereklamo rin dahil may sarili rin umano itong broker, ayon pa sa mga nagrereklamo.
290