MINORS BAWAL PA RING GUMALA SA MAYNILA

MAHIGPIT pa rin ang desisyon ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kaugnay ng tanong kung papayagan nang lumabas ang mga menor de edad sa gitna ng general community quarantine (GCQ).

Ayon sa alkalde, kailangan pang magsagawa ng malalimang pag-aaral kaugnay nito.

Sa kanyang mensahe sa regular na flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Enero 25, sinabi ng alkalde na base sa records ng local government, ang malaking bahagi ng mga tinamaan ng COVID-19 ay pawang mga kabataan.

“Dahil tayo ay nasa GCQ pa, aaralin muna natin kung pwede na sila magpagala-gala. Batay sa ating datos, malaking bahagi ng impeksyon ay nasa kabataan. ‘Wag nating balewalain ang sakripisyo natin nitong nakaraang sampung buwan,” ayon sa alkalde.

Nitong Lunes din ay pinanumpa ng alkalde ang mga opisyal at miyembro ng iba’t ibang youth groups na kumakatawan sa anim na distrito ng Maynila.

Nanawagan ang alkalde sa mga ito, partikular sa Manila Youth Development Council, na ipakalat ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa kampanyang mapigilan ang COVID-19 kung hindi man ay tuluyan na itong masugpo.

Sinabi ng alkalde, ang bakuna kontra coronavirus ay paparating na sa mga darating na buwan at ang kailangan na lamang gawin sa ngayon ay magtiis ng kaunti upang huwag masayang ang mga sakripisyo ng lahat noong mga nakaraang buwan.

Matatandaan, ipinukol ng national government sa local government units (LGUs) ang desisyon kung papayagan na ang mga edad 10-14 na itinuturing bilang classified high-risk age group, kasama ang senior citizens, bilang authorized persons outside of residence (APOR).

Ang Inter-Agency Task Force (IATF) ay pinayagan ang rekomendasyon sa nasabing mga edad pero ito ay sa mga lugar kung saan umiiral ang modified general community quarantine (MGCQ). Ito ay magsisimula sa Pebrero 1, 2021.

Sa kabilang banda, ito ay base sa panukalang ginawa ng Department of Trade and Industry na ang layunin ay pasiglahin ang takbo ng ekonomiya. (RENE CRISOSTOMO)

55

Related posts

Leave a Comment