(NI KIKO CUETO)
PINAG-AARALAN na ngayon ng Manila Water Inc., ang panukala ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na nagsasabing huwag na munang pagbayarin ang mga customer nila na apektado ng water shortage sa Metro Manila at Rizal provinces.
Sinabi ni Ferdinand Dela Cruz, president at CEO ng Manila Water, na mag-uusap sila ng MWSS kaugnay dito sa Lunes.
“I have given instructions to my team to look into this matter seriously. Kaya ngayon po may masusing pag-aaral. Ang resulta po ng pag-aaral na ‘yan ay aming idi-discuss kay chief regulator Patrick Ty sa Lunes,” sinabi ni Dela Cruz.
“Kasi po malakas po ang request ng publiko na aming tingnan ito, itong anggulo ng rebate lalo na po doon sa mga customers na nawalan ng tubig for more than 24 hours and for a few days which is quite not normal,” dagdag nito.
Naunang sinabi ng MWSS na dapat ay hindi na muna pagbayarin ang mga customer ng Manila Water, na nasa 6.8 million hanggang hindi pa nagiging normal ang serbisyo ng tubig.
“Kinakausap na natin ang Manila Water na kung puwede baka huwag muna silang maningil dahil po alam po natin ang sitwasyon ngayon na sana makatulong po sa ating mga consumers,” sinabi ni MWSS chief regulator Patrick Ty.
Dapat kasi umano ay 24 oras ang tubig.
Tiniyak naman ni MWSS administrator Reynaldo Velasco kay Pangulong Duterte at sa mga customer na maibabalik nila ang serbisyo ng tubig, kungdi ay mawawalan sila ng trabaho.
“We can deliver as far as I know. But kung short pa rin ‘yan, who are we? That is the call of the President,” sinabi nito.
Naunang nagbanta ang Pangulo na sisibakin niya ang mga nakaupo sa MWSS kung patuloy na palpak ang serbisyo ng mga concessionaires.
“Ang service obligation ng Manila Water ay mag-provide dapat sila sa publiko ng 24/7 na water supply. Ngunit alam po natin hindi po nila nade-deliver po ito. Posible po na ipa-terminate ang concession based on that violation,” sinabi ni Ty.
Naunang sinabi ng Manila Water na plano nilang ibalik ang 99 na porsyento ng serbisyo sa katapusan ng Marso
“Sa aming banda, we take the instructions of the President very seriously that’s why kami po ay 24/7 na hindi natutulog,” sinabi ni Manila Water president Ferdinand dela Cruz.
Ang Maynilad ay nagsabi na patuloy naman ang kanilang serbisyo ng tubig.
Pero hindi lang ito problema sa National Capital Region.
Ibinunyag ng Local Water Utilities Administration na may mga probisnya rin na nakakaranas ng tag-tuyot sa tubig.
Sinabi ni LWUA administrator Jeci Lapus limang probinsya ang kanilang tinututukan.
“Ang panahon po natin ngayon ay talagang magbibigay ng kakulangan ng tubig nationwide. Sa ngayon po limang probinsya ang nagsabi na may kakulangan sila. Ito po ‘yung Sibugay, Zamboanga, Tuguegarao, Kidapawan atsaka Ilocos Norte,” sinabi ni Lapus.
“Ang mga water districts po ay nagbibigay sila, tankers… Nagdi-distribute sila. Hindi lang ho kasinglaki ng pangangailangan ng Metro Manila. Nagbibigay po tayo ng advertisements kung paano makatipid ng tubig,” dagdag nito.
122