(NI BERNARD TAGUINOD)
INATASAN ng House committee on Metro Manila Development ang dalawang water concessionaires na magsumite ng report kung magkano na ang nakolektang ‘sanitation fees” ng mga ito sa kanilang mga customers sa mahigit dalawang dekada.
Sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Quezon City Rep. Winston Castelo, inaprubahan ang mosyon ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza na pagsumitehin ng report ang Manila Water at Maynilad kung magkano na ang nakolekta ng mga ito ng sanitation fees mula 1997.
Magugunita na naisapribado ang serbisyo sa tubig noong 1997 at kasama sa mga kinokolekta ng Manila Water at Maynilad ang sanitation fees na umaabot umano ng 20% sa aktuwal na bill ng mga consumers.
Ang perang ito ay nakalaan para sa sewerage operation ng dalawang water concessionaires subalit naniniwala si Atienza na hindi nagagamit ang pondong ito dahil hindi maayos ang sewerage system kaya marumi ang tubig na napupunta sa Manila Bay.
Maliban dito, nais din malaman ng Kongreso kung magkano ang utang ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil ang taumbayan umano ang nagbabayad dito.
Kasabay nito, kinastigo ni Atienza ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil ipinapalabas umano na malinis na ang Manila May kaya dinadagsa na ito ng mga tao.
Ayon kay Atienza, nananatiling marumi ang tubig sa Manila Bay dahil hindi pa nalilinis ang toxic sa dagat at dumadaloy pa rin anya ang maruming tubig mula sa mga establisyemento at mga komunidad.
Kung mayroon aniyang malinis sa Manila Bay ay ang gilid lamang nito dahil naalis ang mga basura subalit hindi ang tubig dagat sa kabuuan kaya hindi makatuwiran na palabasin na tuluyang malinis na ito.
360