(NI ROSE PULGAR)
KASONG falsification of documents at corruption ang isinampa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa tatlong kawani, kabilang ang isang opisyal ng ahensya, matapos mahuling gumagamit ng pekeng resibo sa panghuhuli sa jaywalking.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ginawa ang aksyon matapos mahuli sa akto ang isa sa mga tauhan ng Anti- Jaywalking Unit na gumagamit ng pekeng resibo ng MMDA.
Kinilala ni Garcia ang mga sinampahan ng kaso na sina Joana Eclarinal , deputy of operation ng Anti-Jaywalking Unit at ang dalawang tauhan nito na sina Jonathan Natividad at Frederick Arucan.
Sinabi ni Garcia, nagsagawa sila ng entrapment operation laban sa tatlong kawani Miyerkoles ng umaga sa tanggapan ni Eclarinal sa ika-apat na palapag ng MMDA sa Guadalupe Makati City.
Subalit nakatakas sina Natividad at Arucan sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Makati City Police.
Sinabi ni Garcia, pawang mga regular na empleyado ng MMDA ang tatlo.
Kahapon ay ikinandado ni Garcia, ang nasabing unit na may 48 empleyado na kasalukuyan sumasailalim sa imbestigasyon.
Nilinaw ng opisyal, bagama’t hindi muna manghuhuli ang MMDA sa jaywalking, may mandato naman ang mga local traffic enforcer na magsagawa nito.
125