(NI HARVEY PEREZ)
PAGKAKALOOBAN na ng P500 buwanang financial assitance ng Manila City Government ang lahat ng Grade 12 students, Person with Disabilities (PWD), solo parents at senior citizen.
Pinirmahan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’, ang dalawang ipinasang Manila City Ordinance 8564 at 8565 ng City Council .
Sinaksihan ni Manila Secretary to the Mayor Bernadito Ang, Vice Mayor Honey Lacuna, Majority Floor Leader Joel Chua at mga miyembro ng Manila City Council ang ginawang paglagda ni Moreno sa ordinansa.
Nabatid na bahagi ng local government’s social amelioration stimulus package ng lokal na pamahalaan ng Maynila para sa mga Manilenyo, ang nabanggit na mga ordinansa.
Sinabi pa ni Moreno na ito ang kauna unahang pagkakataon na nakapagpasa ng ordinansa ang Manila City Council sa loob ng tatlong linggo.
“Sa buong buhay ko, bilang lokal na mambabatas ng Lungsod ng Maynila, sa loob ng 18 taon, ngayon lang ako nakarinig ng ordinansa na naipasa sa loob lamang ng tatlong linggo,” ani Moreno.
Alinsunod sa Ordinance No. 8564, lahat ng kuwalipikadong Grade 12 students na naka- enroll sa alinmang public school sa Lungsod ng Maynila ay tatanggap ng P500 mula sa lokal na pamahalaan.
Dapat na ang Grade 12 ay nasa good standing, residente at registered voter sa lungsod ng Maynila at kung hindi pa botante ang estudyante, kailangan na ang kanyang magulang o guardian ay registered voter sa Maynila.
Maaari umanong madiskuwalipika sa pagtanggap ng buwanang financial assistance kapag sila ay nadismiss sa paaralan bago matapos ang school year.
Samantala , sa ilalim ng Ordinance 8565 ,bibigyan ng P500 monetary allowance ang mga senior citizens, persons with disability, at solo parents na residente ng Maynila.
Hindi na umano kinakailangan na magpunta ang mga senior citizen sa Maynila dahil bibigyan sila ATM card kung saan idideposito ang kanilang buwanang assistance.
Nalaman na ang mga kuwalipikasong senior citizen ay dapat nasa edad 60 , lehitimong taga Maynila at rehistradong botante ng Maynila at nasa listahan ng Manila Office of the Senior Citizens Affairs.
Habang ang mga PWDs at solo parents ay dapat na residente, botante sa Maynila at nasa master list ng Manila Department of Social Welfare(MDSW).
123