(NI ROSE G. PULGAR)
PARA bigyang daan ang patuloy na rehabilitasyon ng Estrella-Pantaleon Bridge, magpapatupad ng partial closure sa Estrella Bridge service road sa lungsod ng Makati simula sa susunod na linggo kung kaya’t asahan ang mas magtinding trapik.
Ito ang panawagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ginanap na press briefing sa tanggapan nito Martes ng hapon.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang pagsasara ng Estrella Service Road mula Gumamela hanggang JP Rizal ay magiging epektibo sa ganap na alas-11:00 ng gabi sa Marso 23 (Sabado).
Pahayag ng MMD , na nasa 500 sasakyan kada oras ang dumaraan sa nasabing lugar.
Mananatiling bukas naman sa mga motorista ang daan papasok ng Rockwell.
Ang pagsasara sa naturang kalye ay may koordinasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamahalaang lokal ng Makati at sa MMDA, na magtatagal ng dalawang taon hanggang matapos ang tulay.
Inaabisuhan ang mga motorista na dumaan sa mga sumusunod na alternatibong ruta.
Lahat ng sasakyang mula EDSA/Rockwell ay dapat lumiko sa Gumamela Street, kaliwa ng Camia Street papuntang J.P Rizal papunta sa destinasyon.
“Bilang paghahanda, magsasagawa ng clearing operations para sa mga illegally parked vehicles at iba pang obstructions sa mga kalsada sa paligid ng Estrella bridge,” ani Garcia.
Magsasagawa ng roadside clearing operations sa mga tinukoy na alternatibong ruta, kabilang ang Camia, Gumamela, at Progreso Sts.
“Simula sa Lunes ay iki-clear natin ang lahat ng alternatibong ruta. Gusto naming magamit ang lahat ng kalsada sa paligid ng tulay,” dagdag pa ni Garcia.
Layunin ng rehabilitasyon ng Estrella-Pantaleon Bridge na palawakin ang tulay sa apat na lanes mula sa kasalukuyang dalawang lanes.
Base sa timeline ng DPWH, makukumpleto ang proyekto sa 2021.
230