SUMADSAD ang isang barge sa katubigan ng Bais Sand Bar, Barangay Okiot, Bais City Negros Oriental dahil sa sama ng panahon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Nabatid sa ulat, patungong Campuyo, Manjuyod, Negros Oriental mula Semirara, Antique ang barge na TMLBlue Sky Jay nang makaranas ng ‘rough sea condition’ dahilan para sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatan.
Lulan nito ang 1600 MT ng industrial coal nang mangyari ang insidente.
Tumulong ang tugboat MTUG TML THE CEO upang hilahin ang barge ngunit nahirapan itong maglatag ng towing line dahilan upang sumabit ang lubid sa propeller at hindi maimaniobra ng tugboat ang barge.
Agad naman silang tinulungan ng PCG at sinuri ang kalagayan ng barge.
Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng PCG ang pagdating ng nagrespondeng tugboat na maghahatak sa mga distressed vessel sa Barangay Campuyo, Manjuyod, Negros Oriental kapag high tide.
Pinayuhan din ng PCG ang kapitan na maghain ng marine protest.
(JOCELYN DOMENDEN)
259