(NI HARVEY PEREZ)
HINDI na hadlang ang edad at may kapansanan para makapagtrabahong muli sa Maynila.
Ito ay makaraang atasan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso si Public Employment Services Office Head Fernan Bermejo na kausapin ang management ng mga fast food chain para tumanggap ng mga manggagawang senior citizen at Person with Disabilities (PWDs).
“Kayong mga senior, mag-exercise na kayo. Dahil si Fernan Bermejo ay inatasan ko nang tupdin ‘yung commitment natin na tumanggap ang mga Jollibee, McDonald’s, lahat ng food chains ng senior citizen including PWDs,” ani Moreno.
Binigyan-diin ni Moreno na magandang oportunidad ito sa mga senior citizens at PWDs na magtrabaho pa rin kung kaya pa naman at kung nais pa ng mga ito na muling maghanapbuhay.
Sanhi nito, hinikayat ni Moreno ang lahat ng fast food chains sa lungsod na mag-hire ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) bilang crew.
“If Americans can do it, if Singaporeans can do it, if Japanese can do it, why not Manileños?” giit ng alkalde.
Nabatid na sa record, may bilang pa ang mga senior citizens na kinakailangan pa ring maghanapbuhay para may pantustos sa sariling mga pangangailangan at ang iba ay may pamilya pa rin na kinakailangang buhayin.
Malaking tulong sa mga senior citizen at PWDs ang pagkakaroon ng trabaho na makapagbibigay sa kanila ng maayos na pagkakakitaan.
Magugunita na bilang tulong ni Moreno sa mga senior citizen at PWDs ay nilagdaan nito ang ordinansang magbibigay ng ₱500 allowance sa mga senior citizens at PWDs kada buwan.
153