(NI JG TUMBADO)
MAKATATANGGAP pa rin umano ng monthly salaries ang mga pulis na suspendido sa pwesto sa kabila ng kinakasangkutang iba’t ibang kasong iregularidad.
Ito ang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar, alinsunod umano sa due process na ipinapatupad ng Philippine National Police (PNP).
Ipinaliwanag ni Eleazar na magkaiba ang kahulugan ng sibak sa puwesto at ang sibak sa serbisyo bilang pulis.
Giit ng heneral na ang criminal at administrative charges na ihahain laban sa mga tiwaling pulis at ang resulta ng mga imbestigasyon laban sa mga ito ay maaring magresulta sa dimissal o pagkakasibak ng mga ito sa serbisyo.
Nauna nang ipinaliwanag ni PNP chief General Oscar Albayade na ang mga police officers na administratively relieved ay pansamantalang isasailalim sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon sa mga ito.
Nitong Miyerkules, lahat ng 27 miyembro ng station drug enforcement unit (SDEU) ng Pasay City Police Station 1, kabilang na si chief of police Colonel Noel Flores, ay sinibak sa puwesto matapos na may naghain ng kidnap-for-ransom complaint laban sa kanila.
Aabot naman sa 15 pulis mula sa drug enforcement unit of the Eastern Police District ang nasibak din sa kanilang puwesto dahil sa umano’y pangingikil ng mga ito.
153