MGA BANGKAY NG OFW, HILING NA MAIUWI NA SA PILIPINAS

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

SUNOD-SUNOD na kahilingan sa pagpapauwi ng bangkay ng mga OFW ang ating natanggap mula sa mga kamag-anak ng nasawing mga OFW.

Kabilang dito ang isang OFW na itago natin sa pangalang ­Vanessa na mula sa Hong Kong ay lumipad sa Poland upang doon na magtrabaho. Matapos lamang ng ilang buwan na ­paghahanapbuhay sa Poland, ay nakakilala ito ng isang Indonesian nationals at ‘di naglaon ay nag­ka-ibigan.

Matapos ang ilang buwan ay nagbunga ang kanilang pagsasama at nagbuntis si OFW Vanessa. Noong una ay inilihim pa ito maging sa kanyang mga kasamahan sa trabaho, at sa tuwing ito ay nagpapagamot o ­kumukonsulta sa doctor ay hindi nito binabanggit na siya ay nagbuntis.

Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay isinugod sa ­ospital si OFW Vanessa at tuluyang binawian ng buhay, habang ang kanyang sanggol na ipinagbuntis sa loob ng 7 buwan ay kasaluku­yang nasa ICU ng isang ospital sa Poland at doon inaalagaan.

Dumulog sa ating tanggapan ang pamilya ni OFW Vanessa upang hilingin na sila ay matulungan na maiuwi ang bangkay ni OFW Vanessa. Agad naman tayong nakipag-ugnayan kay Labor Attaché Llewelyn Perez na kasalukuyang Labor Attaché na sumasakop sa Poland.

Mabilis itong nakipag-­ugnayan kay Consul General Melicor. Kahanga-hanga ang mabilis na hakbang ni Consul ­General Melicor at Labor Attaché Perez upang masigurong ­maiuuwi ang bangkay ni OFW Vanessa sa loob ng buwan ng Hunyo.

Ang AKO-OFW ay labis na nagpapasalamat sa ating Overseas Workers Welfare Administration sa pag-ako ng gastusin para sa pagpapauwi ng bangkay ng ating kabayaning si OFW Vanessa at lalo’t higit kay Labor Attaché Llewelyn Perez at Consul ­General Melicor sa patuloy nitong pagmamalasakit sa ating mga OFW kahit pa magmula sa kanilang sariling bulsa ang inisyal na gastusin para lamang ­maproseso ng punerarya ang bangkay ng ­ating kabayaning si OFW Vanessa.

Samantala, dumulog din sa ating AKO-OFW si Cherry Ann Leano, upang humingi ng tulong para mapauwi ang bangkay ng kanyang kapatid na si Mark Anthony Leano na nasawi sa isang ospital sa Riyadh, Saudi Arabia dahil sa atake sa puso.

Ayon kay Cherry Ann ay Mayo 12, 2022 nang kanilang ­nabalitaang namatay ang kanyang kapatid . Si OFW Mark Anthony ay matagal nang OFW sa Riyadh bilang cleaner sa Safari Company at katunayan ay ilan beses na rin itong nakapagbakasyon sa Pilipinas.

Labis-labis ang pakiusap ng pamilya Leano upang ­matulungan silang manawagan sa mabilis na pagpapauwi ng bangkay ni OFW Mark Anthony.

Ang kahilingan na ito ng pamilya ay agad nating ipinaabot kay Director Connie Marquez at kay Welfare Officer Raquel ­Kunting para sa agarang aksyon sa kahilingan ng pamilya.

***

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

171

Related posts

Leave a Comment