Mga bote sa Ayungin Shoal positibo sa cyanide CORAL REEF, ISDA SA WPS NILALASON?

KINUMPIRMA ng National Security Council (NSC) na naglalaman ng cyanide ang mga dilaw na bote na nakumpiska mula sa mga Chinese sampan sa bahagi ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon kay NSC spokesperson ADG Cornelio H. Valencia Jr., napatunayan sa laboratory test ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang laman ng mga bote ay cyanide – lubhang nakalalasong kemikal na nakapipinsala sa tao at yamang-dagat.

Ang mga naturang bote ay narekober ng Philippine Navy noong Pebrero at Oktubre 2025 malapit sa BRP Sierra Madre (LS 57), kung saan naka-istasyon ang mga sundalo ng Pilipinas.

Bunsod nito, inatasan ng NSC ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang ahensya na paigtingin ang pagbabantay at patrol sa lugar.

Ayon kay Valencia, ang paggamit ng cyanide ay maaaring sabotahe upang patayin ang isda na pinagkukunan ng pagkain ng mga sundalo at sirain ang coral reef na nagsisilbing pundasyon ng BRP Sierra Madre.

Babala pa ng NSC, kapag nasira ang bahura, malalagay sa panganib ang katatagan ng barko at maaaring gamitin ito ng China upang gumawa ng “pekeng environmental crisis.”

Kung mapatutunayang sinadya, posibleng paglabag ito sa environmental laws ng Pilipinas at sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Giit ng NSC, nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang Ayungin Shoal, kaya may buong karapatan ang bansa na protektahan ito.

“Hindi natin kukunsintihin ang anomang banta sa ating teritoryo at yamang-dagat,” diin ni Valencia.

(JESSE RUIZ)

53

Related posts

Leave a Comment