MGA EBIDENSYA NI HERNANDEZ POSIBLENG IPASA NG SENADO SA ICI

TINIYAK ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson na daraan sa tamang proseso ang chain of custody sa mga dokumento, computer at iba pang nakuhang bagay ni Engineer Brice Hernandez na posibleng sumuporta sa kanyang mga pahayag sa anomalya sa flood control projects.

Kaugnay nito, itinakda ni Lacson ngayong Martes, September 22, alas-9 ng umaga ang susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee dahil sa mga bagong developments.

Matatandaang pinayagan ng Senado na lumabas nitong Sabado si Hernandez upang kumalap ng mga ebidensya.

Iginiit ni Lacson na kung may ebidensya ng kickback o komisyon, agad niya itong ipadadala sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) para sa imbestigasyon at pagsasakdal.

Samantala, kabilang sa mga posibleng iimbitahan sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at retiradong Undersecretary Roberto Bernardo dahil marami silang dapat ipaliwanag sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

Binigyang-diin ni Lacson na kasama si Bernardo sa litrato ng tinaguriang “BGC Boys” ng DPWH bukod pa siya ang nagtalaga kina Henry Alcantara at Hernandez sa Bulacan first DEO.

Ang litrato ay kuha sa isang “tambayan” o bahay ni Loren Cruz, umano’y bagman ni Alcantara.

Tungkol naman kay Bonoan, sinabi ni Lacson na siya ang appointing authority at dapat magpaliwanag kung paano nagkaroon ng mahigit P600 milyon na cash deliveries mula kay Sally Santos ng Syms Construction papunta sa 1st District Engineering Office ngayong taon.

(DANG SAMSON-GARCIA)

21

Related posts

Leave a Comment