HINDI sang-ayon ang Malacañang sa panukalang pansamantalang gawing libre ang toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) habang marami pa ring sasakyang stranded dahil sa matinding traffic at pagbaha na nagsimula noong Sabado.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, maaaring lalo lamang lumala ang sitwasyon kung aalisin ang toll fee dahil mas marami pang motorista ang mahihikayat na dumaan sa NLEX.
“Pero kung ililibre natin, ‘di ba mas maraming sasakyan ang papasok. So kapag maraming papasok na sasakyan, mas lalong magkakaroon ng trapik. So dapat nga iwasan na muna nila itong NLEX,” paliwanag ni Castro.
Aniya, bagama’t maganda ang layunin ng libreng toll, hindi ito makatutulong kung mananatiling matindi ang trapiko at hindi rin makalulusot ang mga sasakyan.
“Siguro, bago po magmungkahi ang Pangulo, alam naman po ng NLEX kung ano ang nangyari dito. At ano ang kanilang responsibilidad, dapat sa kanila manggaling ang kautusan na ito,” ani Castro.
Sinabi rin ni Castro na natalakay sa situational meeting ng pamahalaan ang problema sa NLEX, kabilang ang kalagayan ng mga motorista na naipit sa expressway.
Gayunman, wala umanong napag-usapang sanction laban sa pamunuan ng NLEX sa naturang pulong.
Ayon kay Castro, mas nakatuon sa ngayon ang Pangulo sa paghahanap ng paraan upang matulungan ang mga stranded na motorista kaysa sa pagpapataw agad ng sanction.
(CHRISTIAN DALE)
68 