TINIYAK ni Senate President Sherwin Gatchalian na handa ang Senado na suportahan at pag-aralan ang mga kasunduang nabuo sa katatapos na 49th ASEAN Summit and Related Summits upang mapalakas ang ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Gatchalian, umaasa siyang magbubunga ng mas maraming pamumuhunan, tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya at karagdagang oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino ang mas pinalalim na pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa mga bansa sa ASEAN at iba pang katuwang na bansa.
Malugod din niyang tinanggap ang mga naging resulta ng ASEAN-US Special Summit, partikular ang pagpapatibay sa 10 Public-Private Partnership principles na naglalayong labanan ang mga online scam.
Bilang isa sa mga nagsusulong ng mga panukala laban sa transnational scam hubs at cyber-fraud networks, kabilang ang mga operasyong may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), binigyang-diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng mas matibay na kooperasyon upang maprotektahan ang mga pamilyang Pilipino laban sa panloloko sa pananalapi at human trafficking.
Iginiit ng senador na dapat sabayan ng ligtas at siguradong kapaligiran ang pag-unlad ng ekonomiya.
Dagdag pa niya, kailangang matiyak na bawat Pilipino ay makikinabang sa mga benepisyo ng mas matatag at nagkakaisang ASEAN.
(DANG SAMSON-GARCIA)
36 