ABALA umano si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang mga tungkulin kaya hindi na nito pinag-uukulan ng pansin ang alegasyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte na may mga talakayan sa Kamara de Representantes tungkol sa posibleng pagkansela ng pambansang halalan sa 2028.
Kabilang umano sa mga pinag-uusapang hakbang ang pagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang opisyal o pagpapalit sa sistema ng pamahalaan tungo sa parliamentary form of government.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, sunod-sunod ang mga pulong na dinadaluhan ng Pangulo kaya wala itong panahon para pagtuunan ng pansin ang naturang alegasyon.
“Masyadong okupado ang isip niya (Pangulong Marcos), hindi tulad ng iba na walang ginagawa kundi maglakwatsa. Sabi nga nila, ‘Idle mind is the devil’s playground,'” pahayag ni Castro.
Sa halip, hinamon ni Castro ang kampo ni Duterte na ilahad ang umano’y tagong yaman ng Bise Presidente at ng kanyang pamilya.
“Kasi ‘yon ang kailangang marinig ng buong sambayanang Filipino. Huwag silang magkuwento ng gawa-gawa lang nila. Sa ngayon, parang ‘Lola Basyang’ si VP Sara sa kanilang mga kuwentong pantasya,” dagdag ng Palace official.
Nauna rito, sinabi ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ni Duterte, na ibinahagi umano sa kanya ng Bise Presidente ang impormasyong may mga talakayan sa Kamara tungkol sa posibilidad na walang maganap na halalan sa 2028.
Sa panayam sa programang “The Spokes” ng Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Panelo na tinanong niya si Duterte tungkol sa mga plano nito sakaling mapatunayang nagkasala sa impeachment trial at madiskwalipikang kumandidato sa 2028.
“Noong tinanong ko ang Bise Presidente… kung sakaling mahatulan ka at madiskwalipikang kumandidato sa 2028, ano ang mangyayari? Sino ang tatakbo sa iyong lugar? Ang sinabi lamang niya sa akin ay, ‘Attorney, hindi ko nga alam kung aabot pa tayo sa halalan sa 2028 dahil ang impormasyong natatanggap ko ay may plano para walang halalan sa 2028,'” ani Panelo.
“Matapos ko siyang makausap, nakatanggap na ako ng kumpirmasyon na may mga pag-uusap tungkol dito sa Kamara,” dagdag niya.
Inilahad ni Panelo ang naturang impormasyon isang araw bago muling ipagpatuloy ng Senado ang impeachment trial laban kay Duterte, matapos itong pansamantalang itigil dahil sa pagho-host ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Nahaharap ang Bise Presidente sa paglilitis dahil sa mga alegasyon ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman at iba pang mga paratang na pinabulaanan naman ng kanyang defense team.
Gayunman, hindi tinukoy ni Panelo kung sinu-sinong mambabatas ang umano’y sangkot sa mga talakayan. Wala rin siyang inilatag na detalye tungkol sa anumang partikular na panukalang magkansela ng halalan o magpalawig sa termino ng mga kasalukuyang opisyal.
Ang pagpapalit sa parliamentary system at pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal ay mangangailangan ng mga pagbabago sa 1987 Constitution.
(CHRISTIAN DALE)
26 