POLICE MAJOR, LIMA PA PINASISIBAK SA UMANO’Y PANGHOHOLDAP

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagsisimula ng summary dismissal proceedings laban sa anim na tauhan ng pulisya, kabilang ang isang Police Major, na umano’y sangkot sa armadong panghoholdap sa isang kapwa pulis at isang negosyante sa Caloocan City.

Sinabi ni Nartatez na hiwalay ang administratibong proseso sa nagpapatuloy na imbestigasyong kriminal upang matiyak na mananagot ang mga tauhan kung mapatutunayang sangkot sila sa krimen.

“Hindi kami kukunsinti ng sinumang gumagamit sa awtoridad, posisyon, o uniporme ng PNP upang gumawa ng krimen, at ang mga mapapatunayang may pananagutan ay dapat harapin ang buong bigat ng batas,” pahayag ni Nartatez.

Kabilang sa anim na pulis ang isang Police Major, isang Police Captain, isang Police Staff Sergeant, isang Police Corporal at dalawang Patrolman.

Nauna nang sinabi ng PNP na lima sa mga suspek ang aktibong miyembro ng pulisya, habang ang isa ay dati nang sinibak sa serbisyo.

Naaresto na ng mga operatiba ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isang follow-up operation ang isang Police Major na nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), habang tinutugis pa ang iba pang suspek.

Kabilang din sa mga pinaghahanap kaugnay ng insidente ang isang sibilyan at dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal.

Ayon kay Nartatez, matinding pagtataksil sa tiwala ng publiko ang umano’y pagkakasangkot ng mga pulis sa panghoholdap, lalo na’t isa sa mga biktima ay kapwa nila alagad ng batas.

Inatasan din niya ang mga kinauukulang yunit na paigtingin ang follow-up operations upang matunton at maaresto ang mga natitira pang suspek.

Nauna nang iniulat ng NCRPO nitong Huwebes ang pagkakaaresto sa isang Police Major at pagkakatukoy sa iba pang suspek na umano’y sangkot sa mga kaso ng pagnanakaw at panghoholdap sa Caloocan City.

Ayon sa NCRPO, kabilang sa mga biktima ang isang 37-anyos na pulis na nakatalaga sa Philippine Drug Enforcement Group.

Sa magkakahiwalay na pahayag, iniulat na natukoy ng mga awtoridad ang ilang aktibo, suspendido at sinibak nang pulis, gayundin ang isang sibilyan at dalawa pang hindi pa nakikilalang suspek.

Binigyang-diin naman ni NCRPO Chief Brig. Gen. Christopher Abrahano na hindi dapat gamitin ang uniporme at posisyon ng pulisya upang makaiwas sa pananagutan sa batas.

“Ang uniporme ng pulis ay kumakatawan sa tiwala ng publiko, hindi kaligtasan mula sa batas. Ang pagnanakaw ay isang mabigat na krimen, at ang umano’y pagkakasangkot ng mga tauhan ng pulisya ay isang seryosong usapin. Magsilbi sana itong babala: walang ranggo, tsapa, o posisyon ang makapagpoprotekta sa sinoman mula sa pananagutan,” pahayag ni Abrahano.

Batay sa imbestigasyon, lulan ng isang itim na sasakyan at mga motorsiklo ang mga suspek nang umano’y holdapin ang mga biktima noong gabi ng Nobyembre 16 sa tapat ng isang convenience store sa William Shaw Street, Barangay 87, East Grace Park, Caloocan City.

Kabilang sa mga natangay ang motorsiklo ng mga biktima, mga cellphone, isang CZ Shadow 2 caliber 9mm pistol at gintong bracelet na nagkakahalaga ng ₱700,000.

Ayon sa NCRPO, maaaring maharap ang mga suspek sa kasong robbery sa ilalim ng Article 293 ng Revised Penal Code at sa kaukulang parusa sa ilalim ng Article 294.

(JESSE RUIZ)

25

Related posts

Leave a Comment