(IKALIMANG BAHAGI)
Mahirap gumana ang utak kung kumakalam ang sikmura.
‘Di na natin kailangan ng maraming ebidensiya galing sa mga pananaliksik para paniwalaan ang pangungusap na ito. Kumbaga, ito ay self-evident.
Ayon sa mga datos, pitong batang Filipino ang nagdurusa sa malnutrisyon, 95 bata kada araw naman ang namamatay dahil dito, at mahigit 30% ang nababansot o ‘di nakakalaki ng tama.
Ang isa sa pinakamalalang epekto ng malnutrisyon o kagutuman ay ang paghina ng paggana ng utak. Dahil kulang sa sustansiya ang brain cells, apektado ang paggalaw nila, hihina din ang tinatawag na cognitive processing, o sa salita ng Biological psychology o Neurobiology, dispalinghado o hihina ang firing ng neurons, kaya’t ‘di maayos na makaproseso ng impormasyon ang utak.
Samakatuwid, hihina ang memory, konsentrasyon, at atensiyon ng mga bata. Kaya’t ‘di rin sila nakakaagapay sa mga inaasahang gawaing pang-akademiko na madalas kognitibo ang katangian. Kaya siguro maraming bata lalo na sa mga pampublikong paaralan ang kulelat sa mga national achievement tests.
May iodized salt ang solution (naalala niyo pa ba ang nauso noon na Fidel iodized salt?) kasi kulang daw sa iodine ang mga kinakain ng mga bata.
Mayroon din namang dole out gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps at siyempre, ang mga nagpapatuloy na feeding program sa mga paaralan.
Napagtanto ko na kulang marahil ng sustansiya ang maraming bata noon pa man, kaya’t nagtaka ako noong mga huling taon ng Martial Law, may mga dalawang beses na umambon ng tinapay na parang bato sa amin. Nutribun daw pala ‘yun, gawa sa trigo. Siguro dahil malayo, ‘yung mga lumang stock na ang nakarating, at tila ‘di naman nabigyan lahat ng bata. Guro na noon ang panganay namin kaya may nauwi minsan. ‘Yung gatas na rasyon na masarap papakin ay parang isang beses lang naming nasilayan. Kung saan bumagsak ang mga rasyon, ang sagot marahil kahit ‘di na natin gamitan ng imahinasyon.
Talagang matagal na ang problemang ito sa edukasyon, na nakakawing sa mga malalalim na problema gaya ng kahirapan, at walang pagtatalo, korapsiyon. Mismong ang mga programang nabanggit na naglalayong ampatan ang kagutuman at itaas ang antas ng performance ng mga bata ay tila nakulapulan din ng anomalya. Kaya parang hanging dumaan lang sa memorya ko ang Nutribun. Wala akong kamalay-malay na matagal palang napatupad ang programa sa ibang paaralan lalo na sa Maynila. At swerte lang kami na nakakurot kahit saglit at konti dahil guro si ate. Paano ‘yung ibang walang access o koneksyon?
Kaya’t ‘di nakapagtataka kung bakit halos limang dekada na ay pinoproblema pa rin ng bansa natin ang kagutuman ng mga bata lalo na sa mga pampublikong paaralan.
Pero ang nakapagtataka ay umiiral ang gutom sa kabila ng sinasabi ng mga datos na sa Timog-Silangang Asya, ikatlo ang Pilipinas sa pinakamayaman batay sa Gross Domestic Product (GDP). Alam na this, gutom ang mamamayan, bundat ang nanunungkulan! (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
161