MGA NAGWAGING LOKAL NA LIDER:

TEODORO PA RIN SA MARIKINA

LANDSLIDE victory ang reelectionist sa ikatlong termino bilang alkalde ng Marikina na si Mayor Marcy Teodoro.

Nalikom ni Teodoro ang boto na 183,878 kumpara sa katunggali na si Congressman Bayani Fernando na nakakuha ng 40,149 votes.

Panalo rin ang katandem nitong si reelectionist vice mayor Marion Andres at lahat ng mga konsehal ng Team Marcy.

Gayundin ang maybahay ni Teodoro na si Maan na nanalong kinatawan ng 1st district sa botong 68,572. (ENOCK ECHAGUE)

o0o

MONTALBAN MAY BAGONG MAYOR

HINIMOK ni Montalban newly elected mayor ex-AFP chief, Ronie Evangelista ang mga katunggali na magkaisa para sa ikauunlad ng bayan ng Rodriguez (Montalban), Rizal.

Nagpasalamat din si Evangelista sa bawat Montalbeño na nagbuhos ng kanilang suporta sa laban para sa bagong Montalban.

Nakakuha ng botong 66,768 si Evangelista laban sa katunggali na si Mayet Hernandez na mayroong 63,330 boto.

Sa bayan naman ng San Mateo ay nagwaging alkalde si Omie Rivera na tinalo ang katunggali na si Paeng Diaz habang tinalo ni Jojo Garcia bilang kongresista si dating mayor Tina Diaz. (ENOCK ECHAGUE)

o0o

PARTIDO NAVOTEÑO PANALO

INILAMPASO ng magkapatid na Tiangco ang mga kalaban sa katatapos na halalan kasama ang buong Partido Navoteño.

Iprinoklama ng Commission on Elections City Board of Canvassers, alas-4:05am ng Martes, (Mayo 10) ang mga bagong halal mula kongresista, alkalde, bise alkalde at city councilors ng lungsod.

Bumandera si incumbent Mayor Toby Tiangco sa congressional race na may 79,505 votes samantalang si Congressman John Rey Tiangco ay nagtala ng 80,908 votes sa labanan sa pagka-alkalde.

Sa unang pagsabak ni Coun. Tito Sanchez sa laban para sa bise alkalde ay nakakuha ito ng 84,065 votes, habang ang mga reelectionist councilor na sina Migi Naval, CJ Santos, Neil Cruz, at Liz Lupisan mula District 1, at RV Vicencio, Richard San Juan, Alvin Nazal, Rey Monroy, at Tarok Maño mula sa District 2 ay dinaig din ang mga kalaban.

Si incumbent Vice Mayor Clint Geronimo, at first-time candidates, Abu Gino-gino at Lance Santiago ay naiproklama ring mga konsehal ng lungsod. (ALAIN AJERO)

o0o

FERNANDO-CASTRO
PANALO SA BULACAN

NANATILI bilang Punong Lalawigan si Daniel Fernando at natangay nito sa panalo ang running-mate na si Bokal Alex Castro na wagi bilang Bise-Gobernador habang 8 alkalde naman ang bagong halal sa lalawigan ng Bulacan sa isinagawang 2022 elections.

Base sa latest update ng ABS-CBN’s “Halalan 2022 Results”, 97.85% ng Election Returns Transmitted clustered precincts as of 8:47 ng umaga (May 10, 2022) ay umabot sa 967,798 ang nakuhang boto ni National Unity Party (NUP) standard bearer Gob. Fernando kontra sa katunggali nitong si Vice Gov. Willy Alvarado ng Partido Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban) na mayroon lamang na 571,935 boto.

Hindi rin pinaporma ni Castro sa botong 742,216 ang kalaban na si former governor/congressman Jon Jon Mendoza na mayroon lang 609,816 boto.

Sa mga kakatawan naman sa mababang kapulungan ay wagi sina Cong. Danny Domingo ng First District; Cong.Tina Pancho ng Second District; Cong. Lorna Silverio ng Third District; Cong. Linabelle Villarica ng Fourth District; Cong. Ambrosio Cruz Jr. ng Fifth District; Cong. Ador Pleyto ng Sixth District at Cong. Rida Robes ng Lone District ng City of San Jose Del Monte.

Para naman sa Sangguniang Panlungsod ay panalo sina Bokal Allan Andan at Mina Fermin ng Unang Distrito; Bokal Pechay Dela Cruz at Dingdong Nicolas ng Ikalawang Distrito; Bokal RC Nono Castro at Aye Mariano ng Ikatlong Distrito; Bokal Jon-Jon Delos Santos at Allen Baluyut ng Ika-apat na Distrito; Bokal Ricky Roque at Teta Mendoza ng Ikalimang Distrito at Bokal Jay De Guzman at Art Legaspi ng Ika-Anim na Distrito.

Anim naman ang returning mayors gaya nina  Bocaue Mayor Jon-Jon Villanueva; Mayor Christian Natividad ng City of Malolos; Mayor Henry Villarica ng Meycauayan City; Mayor Ronaldo Flores ng Doña Remedios Trinidad; Mayor Jocell Vistan-Casaje ng Plaridel; Mayor Omeng Ramos ng Santa Maria.

Habang walo ang basal o bagong halal na alkalde na sina Angat Mayor Jowar Bautista; Calumpit Mayor Lem Faustino; Mayor Agay Cruz ng Guiguinto; Mayor Baby Manlapas ng Hagonoy; Mayor Merlyn Germar ng Norzagaray; Mayor Ding Valeda ng Obando; Mayor Gazo Galvez ng San Ildefonso; at ang unopposed Mayor Cholo Violago ng San Rafael.

Mananatili naman sa kani-kanilang pwesto ang incumbent na sina Mayor Ferdie Estrella ng Baliuag, Mayor Arthur Robes ng Lungsod ng San Jose Del Monte; Mayor Rico Roque ng Pandi; Mayor Maritz  Ochoa-Montejo ng Pulilan; Mayor Anne Marcos ng Paombong; Mayor Ricky Silvestre ng Marilao; Mayor Iskul Juan ng Bustos; Mayor Vergel Meneses ng Bulakan, Mayor Junior Gonzales ng Balagtas at Mayor Eric Tiongson ng San Miguel. (ELOISA SILVERIO)

o0o

2 DEKADANG PAMUMUNO
WINAKASAN SA CALAMBA

LAGUNA -Nagwakas na ang dalawang dekadang pamamayagpag sa pulitika ng pamilya Chipeco sa lungsod ng Calamba matapos iproklama kahapon bilang bagong alkalde si Ross Rizal na humakot ng 116,777 boto laban kay Joey Chipeco na may 78,325 at dating artistang si Emilio Ramon Ejercito na may 41,149 boto.

Panalo rin ang ka-tandem ni Rizal sa pagka bise-alkalde na si Totie Lazaro na may botong 126, 445.

Dalawang konsehal naman ang nakapasok sa kanilang hanay sa CalamBago para sa Sangguniang Panglunsod na sina konsehal Kath Silva at Atty. Gerard Teruel habang bago ring halal sa pagka kongresista si Cha Hernandez.

Mananatiling gobernador si Ramil Hernandez para sa kanyang huling termino matapos itong humakot ng 153,763 boto laban sa dating reporter ng ABS-CBN na si Sol Aragones na may 70,861 boto.

Samantala, wagi sa ikalawang termino si Dan Fernandez bilang lone district congressman ng Sta. Rosa habang hindi pinalad ang kabiyak ng aktres na si  Ara Mina na si dating PITC Usec. Dave Almarinez maging sina dating PAGCOR chairman Efraim Genuino at sexy actress Angelica Jones-Alarva sa  ikatlong distrito ng lalawigan. (CYRILL QUILO)

510

Related posts

Leave a Comment